Isa si Arnell Ignacio sa nagpahayag ng pagkadismaya sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa kontrobersiyal na pagkamatay ng 23-year-old flight attendant na si Christine Dacera noong January 1, 2021.
Ang PNP ang unang naglabas ng pahayag na nalutas na nila ang kasong "rape/slay" kay Dacera.
Ito ay kahit hindi pa lumalantad at nagsasalita ang walo sa labing-isang katao na kasama ng nasawi sa New Year’s Eve celebration ng grupo sa City Garden Hotel, Makati City.
Apparently, sinusubaybayan ni Arnell ang kaso kaya sa tingin niya ay may pagkukulang ang PNP sa imbestigasyon nito.
Pasaring ni Arnell sa kanyang Facebook post ngayong araw, January 6:
“Ang dada kasi agad ng mga opisyales ng PNP e. Sabihin niyo kasi muna na iimbistigahan ninyo!
“Yung Opinyon niyo bago lumabas ang official report e sarilinin niyo na la ng.
"Pati sa bakla at alak me statement kayo. Saan niyo naman napulot ‘yun?!? Kayo nagsisimula ng gulo e.”
Ang statement na "Kahit bakla ‘yan, kapag nakainom ng alak, nagiging lalake ‘yan" na nanggaling umano sa PNP ang tinutukoy ni Arnell sa social media rant niya.
Ang anak ni Claire dela Fuente na si Gregorio Angelo “Gigo” de Guzman ang unang lumitaw sa mga nakasama ni Dacera sa party.
Mariin niyang itinanggi ang kasalanang ibinibintang laban sa kanya at sa mga kaibigan niya.
Nakatanggap at patuloy na tumatanggap ng batikos ang PNP mula sa netizens dahil sa pahayag nilang "solved" na ang kaso kaya naniwala ang publiko na biktima nga ng pang-aabuso si Dacera.
Pero taliwas ito sa lumalabas na kopya ng autopsy report sa bangkay ng nasawi.
CONFLICTING STATEMENTS FROM PNP
Hindi naman nagpatinag at nagpatalo ang PNP dahil muli silang naglabas ng pahayag tungkol sa mga dahilan kaya itinuturing nilang nalutas na ang kaso.
Nakasaad dito: "For purpose of uniformity in crime reporting, the PNP is guided by existing issuances by the National Police Commission particularly Memorandum Circular No. 94-017 which provides that a case shall be considered 'solved' when the following elements occur:
"The offender has been identified; There is sufficient evidence to charge him; The offender has been taken in custody; and The offender has been charged before the prosecutor’s office or court of appropriate jurisdiction.
"In the Dacera case, all four elements are present, thus the case is considered 'solved.'"
Mababaw at hindi katanggap-tanggap para sa maraming sumusubaybay sa kaso ang inilabas na pahayag ng PNP dahil hindi pa naririnig ang panig ng lahat ng mga nakasama ni Dacera nang araw na bawian ito ng buhay.
Nakadagdag sa kalituhan ng publiko ang sinabi ni NCRPO chief Brigadier General Vicente Danao Jr. sa panayam sa kanya ng News5 tungkol sa kaso ni Dacera, na taliwas sa justification na inilahad ng PNP.
Pahayag ni Danao, "Kung sinabi mo nang na-solve, dapat may klaro kung sino yung na-rape, sino ba talaga yung nang-rape, kung mayroon bang rape o ano ba talaga ang cause ng pagkamatay. Baka naman too much intoxication sa alak.
"So, dapat yung mga yun ay ma-clear muna natin. Kasi baka mamaya mayroong ininom or unknowingly may pinainom.
"Yung mga ganoon, so we have to identify these persons kung sino itong mga ito."
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika