Jeric Raval, itinuturing na "trophy" ang dakila at martir na asawang si Holiday

by Jojo Gabinete
Feb 15, 2021
jeric raval wife
Jeric Raval on wife Holiday Buensuceso: "Naniniwala ako na mahal na mahal niya ako. Sabi nga, kung ang pagiging martir ay yung pagmamahal na sobra, siguro nga martir siya. Pero yun ang isang bagay na tinitingnan kong paulit-ulit kung bakit mahal na mahal ko siya."
PHOTO/S: Facebook / YouTube

Ang guesting ni Holiday Buensuceso bilang isa sa mga choices sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga! noong Sabado, February 13, ang naging instrumento kaya nalaman ng publiko na may asawa na ang dating action star na si Jeric Raval nang pumasok ito sa showbiz noong 1991.

Si Holiday ang babaeng pinakasalan ni Jeric tatlong dekada na ang nakalilipas, pero inilihim ito sa publiko noong aktibo pa ang aktor bilang action star.

Nagkaroon ng interes ang publiko sa love story ng dalawa dahil hindi itinago ni Jeric ang katotohanang bukod sa apat na anak nila ni Holiday, may labing-apat pa siyang anak sa iba’t ibang mga babae.

Hinahangaan si Holiday dahil sa "dakilang pagmamahal" niya kay Jeric at bilang isang "martir na asawa" na hindi nakipaghiwalay, sa kabila ng mga pagkakamali ng lalakeng kanyang pinakasalan.

Holiday Buensuceso, Jeric Raval and Family.

Continue reading below ↓

JERIC MARRIED HOLIDAY ON MAY 20,1991

Bilib na bilib din si Jeric kay Holiday at puring-puri niya ang asawa sa exclusive interview sa kanya ng Cabinet Files ngayong Lunes ng hapon, February 15, 2021.

Lahad ng aktor, "Matagal na kaming kasal ni Day, May 20, 1991 pa. Wala pa kaming anak noon.

"Mag-boyfriend-girlfriend kami ng 1987 hanggang 1990. Hindi pa ako artista, girlfriend ko na siya, 'tapos 1991 kami nagpakasal.

"Childhood girlfriend ko si Day, magkakilala na kami grade school pa lang, Grade 2. Kapag bakasyon, nakakalaro ko siya noong bata pa kami.

"Tumakbo yung mahabang panahon, nagkita kami uli sa eskuwelahan, teenager na kami.

"Hindi pa namin alam na kami pala yung dalawang bata na magkalaro. Siyempre, nagkakatanungan, 'Taga-saan ka ba?'

"We found out na kami pala yung magkalaro kapag nagbabakasyon sila noon sa bahay ng kanyang uncle, si Col. Basilio."

WHY JERIC raval KEPT HIS MARRIAGE SECRET

Nang maging artista si Jeric noong 1991, pumirma siya ng exclusive contract sa OctoArts Films.

Continue reading below ↓

Kinailangan niyang ilihim sa publiko ang pagkakaroon ng asawa para hindi magselos ang mga tagahanga niya at bilang proteksyon sa kanyang budding career.

Jeric Raval in Biboy Banal

Saad ni Jeric, "Hindi naman ako nahirapan kasi noong araw, kung ano lang ang sabihin sa akin ng movie outfit ko, siyempre susundin mo.

"Itinago ‘yan ng OctoArts Films, nataranta pa nga sila noong may nag-leak na may asawa na ako at anak.

Continue reading below ↓

"Itinatago ko. Si Day naman, wala siyang pinagsasabihan. Tumakbo yung panahon na wala siyang pinagsasabihan na ako yung asawa niya.

"In fact, sa eskuwelahan nga nila, nagtapos siya, nung graduation nila, dun ako nag-attend. Saka lang nalaman ng schoolmates niya na ako ang asawa."

JERIC CONSIDERS HOLIDAY Buensuceso HIS TROPHY

Kahit mag-asawa na sila ni Jeric, ipinagpatuloy ni Holiday ang pag-aaral at dalawang kurso ang natapos niya—Radio Technician at Banking and Finance.

Si Jeric ang nagpaaral kay Holiday, na itinuturing niyang tunay na dalagang Pilipina dahil sa magagandang katangiang taglay ng kanyang asawa.

"Talagang nagustuhan ko naman si Day dahil, una, bihira yung ganitong tao na biro mo, pagtatiyagaan ako.

"Napakabait nito, sobra. I consider her as my trophy dahil mahal na mahal niya ako.

"Siya yung typical Filipina, dalagang Pilipina na nakilala ko.

"Naniniwala ako na mahal na mahal niya ako. Sabi nga, kung ang pagiging martir ay yung pagmamahal na sobra, siguro nga martir siya.

Continue reading below ↓

"Pero yun ang isang bagay na tinitingnan kong paulit-ulit kung bakit mahal na mahal ko siya."

Nagselos ba si Holiday sa leading ladies mo noon sa action movies na ginawa mo?

Sagot ni Jeric, "Nagselos siyempre. Kapag alam niya na medyo morena, alam niya yung gusto ko sa mga babae, morena.

"Hindi ko masasabi na perpekto akong asawa. Isang bagay lang ang masasabi at maipapangako ko, hindi ko siya iiwan. Hindi ko siya ipagpapalit kanino man dahil nakakita ako ng maganda."

Ang pagiging malambing ang isang ugali ni Jeric na nakikita niyang dahilan kaya matatag ang relasyon nila ni Holiday.

Ayon kay Jeric, walang araw na hindi niya nakakalimutang sabihin kay Holiday ang kanyang labis na pagmamahal.

"Masayahin ako sa bahay. Kapag umuwi na ako ng bahay, hindi na ako umaalis.

"Si Day, gusto ko laging kasama.

"Si Day, by nature, hindi siya malambing ever since. Ako lang ang malambing. Lagi akong magiliw sa kanya.

Continue reading below ↓

"Walang araw na lumipas na hindi ko sinasabi na mahal na mahal ko siya, lalo na pagkagising at bago matulog.

"Walang araw na hindi ko natatandaan na hindi ko sinabi yun."

FOURTEEN CHILDREN FROM OTHER WOMEN

May labing-apat na anak si Jeric sa iba’t ibang mga babae, at tanggap ito ni Holiday.

Para kay Jeric, wala nang dahilan na itago niya sa publiko ang katotohanan.

Pahayag niya, "Unang-una, matagal na ‘yan. Ano pang sense para itago?

"Actually, at the age of 22, dalawa na ang pamilya ko. Naitago ko ‘yon nang matagal.

"Sabi ko nga, napakamaintindihin ni Day. Tumagal din ang relasyon namin dahil nasa kanya rin.

"Nasa babae ang sikreto kung bakit tatagal ang relasyon ng mag-asawa.

"Napakatiyaga ng asawa ko, napakabait. Ang dami kong kasalanan sa kanya. No amount of words will justify my actions.

"Kung isasapelikula nga ang buhay ko, parang comedy na lang. Parang mga pelikula ni Eddie Garcia na Atsay Killer, parang ganoon lang ang takbo ng buhay ko."

Continue reading below ↓

Patuloy ni Jeric, "Masyado nang matagal ang pangyayari na ‘yan kaya parang ordinaryo na lang sa akin.

"Saka nasasaktan ko yung asawa ko, nagdaramdam din siya sa mga ginagawa ko pero hindi ko siya pinagbuhatan ng kamay."

THE LEGAL WIFE

Si Holiday ang legal wife dahil ito ang pinakasalan ni Jeric, pero naranasan nitong siya ang inaaway ng mga karelasyon ng kanyang asawa.

Ang hindi paglaban o pagganti ang isang ugali ni Holiday na ipinagmamalaki ni Jeric.

Wala raw maisip na dahilan ang aktor kung bakit may mga babaeng nakikipagrelasyon sa kanya, kahit alam na may asawa at mga anak na siya.

"Hindi ko rin masagot ‘yan. Baligtad nga, sila pa ang nang-aaway sa asawa ko. Hindi naman pinapatulan ni Day, hindi na siya kumikibo.

"Sasabihin lang niya, ‘Tingnan mo 'yang ginawa ng girlfriend mo, o! Tinext ako ng kung ano-ano.'

"Naawa naman ako siyempre. Ang sinisisi ko, ang sarili ko."

Continue reading below ↓

May mga nakarelasyon ka bang nag-demand na iwanan mo si Holiday at sila ang pakisamahan mo?

Sagot ni Jeric, "Wala, kasi from the beginning, alam naman nila yung buhay ko, kung anong meron ako.

"Sinasabi ko lagi, 'Kung hindi mo matanggap kung ano ako, wala na akong magagawa.'

"Tanggap naman nila, hindi naman ako nagkunwari na binata. Una, artista ka, mahirap magpanggap na binata. Open book sa public ang buhay ko."

May ibang karelasyon ka ba ngayon?

"Wala na! Majonda na! Masaya na ako sa buhay ko.

"Ang suwerte ko, meron akong Holiday. Sabi ko nga, itinuturing ko siya na trophy. Napakabait niya!" bulalas ni Jeric.

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Jeric Raval on wife Holiday Buensuceso: "Naniniwala ako na mahal na mahal niya ako. Sabi nga, kung ang pagiging martir ay yung pagmamahal na sobra, siguro nga martir siya. Pero yun ang isang bagay na tinitingnan kong paulit-ulit kung bakit mahal na mahal ko siya."
PHOTO/S: Facebook / YouTube
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results