YouTuber Mygz Molino at Mahal, magkasama sa bahay pero magkaibigan lang daw

by Jojo Gabinete
Feb 26, 2021
YouTuber Mygz Molino on Mahal: "Mahal na mahal ko itong tao na 'to hindi dahil sa anupaman siya, dahil nakikita ko sa kanya na mas okey siya kesa ibang mga tao na normal."
PHOTO/S: @mygz.molino on Instagram

Ang 35-year-old YouTuber na si Mygz Molino ang kasama ni Mahal sa lock-in taping ng Owe My Love ng GMA-7 sa Bulacan, pero itinanggi niyang siya ang manager ng 46-year-old diminutive comedienne.

Ayon kay Mygz, magkaibigan lamang sila ni Mahal at solid na solid ang kanilang friendship na binibigyan ng malisya ng ibang mga tao.

May posibilidad bang ma-in love siya kay Mahal?

Sagot niya sa Cabinet Files, “Hindi po natin masabi sa ngayon kasi ang samahan namin, nandito pa lamang.

“Diyos na lamang po ang makakapagsabi ng magiging sitwasyon namin in the near future.”

Nanindigan si Mygz na tanging ang kapakanan at kinabukasan ni Mahal ang kanyang pinangangalagaan.

Nagkakilala ang dalawa sa isang show sa Abra noong 2010, at dito nagsimula ang pagiging magkaibigan nila.

Pansamantalang naputol ang pagkakaibigan nila nang magpakasal si Mahal sa isang Jobbie Hebrio noong November 1, 2015.

Hindi nagtagal ang pagsasama nina Mahal at Jobbie dahil humantong ito sa hiwalayan, pero naging instrumento ito para muling madugtungan ang friendship ng comedienne at ni Mygz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Mahal, Jobbie Hebrio wedding

Mahal and estranged husband Jobbie Hebrio during their civil wedding on November 1, 2015.

LIVING TOGETHER

Noong July 2020, nagpasya si Mygz na magsama sila ni Mahal sa isang bahay sa Marikina City, at pumayag naman ang pamilya ng huli.

Saad ni Mygz, “Yun po ang nangyari sa amin dati, nung umalis si Mahal dahil na-in love siya, pero tuloy naman ang communication namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Ngayon po, going strong ang relasyon namin bilang magkaibigan at nakakatulong na rin sa family niya, sa awa ng Diyos.

“Panganay si Mahal sa magkakapatid, may kapatid siya sa ibang bansa, tumutulong din.

"Yung isang kapatid niya, pulis, at yung bunso nila, nasa bahay, tumutulong sa tatay nila.

“Madaling pakisamahan si Mahal, walang pinipiling tao. As long as yung tao na nakikita niya, mabait sa kanya, mabuti sa kanya, susuklian niya.

“Marunong siyang magalit kapag yung mga mahal niya sa buhay... may mga nasabi na hindi maganda sa mga magulang niya, sa mga kapatid niya."

Dagdag pa niya, “Sobrang close na close na po kami.

"Kumbaga, parang family na po yung tingin ko sa kanya. Pamilya na napakaimportante sa akin.”

Ano ang typical day niyo ni Mahal kapag nasa bahay lamang kayo?

Kuwento ni Mygz, "Kapag walang taping, nasa bahay lang, kuwentuhan. Sinasabihan ko siya about kay Lord talaga.

"Ako, nagpe-painting. Gumagawa kami ng videos para sa YouTube channel namin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

May 309,000 subscribers si Mygz, at malapit nang umabot sa 200,000 ang followers ni Mahal.

Patuloy niya, "Pihikan si Mahal sa pagkain kaya nagdadala ako sa lock-in taping ng mga delata.

"Kapag ayaw niya ng food, delata ang ipinapakain ko sa kanya, ang paborito niya, sardinas.

"Sa bahay naman, ako nagluluto. Ako lahat, walang ginagawa si Mahal. Mahirap sa kanya ang kumilos.

"Sa akin, walang problema dahil mapagmahal tayong tao.

"Wala naman akong hinihinging kapalit sa kanya. Makita ko lang na maayos siya, okey na ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

SAVING UP

Paano mo inaasikaso si Mahal at ano ang suporta mo sa kanya?

Ayon kay Mygz, "May time na ako po ang bumibili ng mga damit niya at may fans na nagbibigay sa kanya.

"Ibinibili ko siya ng damit sa children’s wear section. Madali siyang hanapan ng damit, depende lang sa kanya kung malaki ang tiyan niya o hindi, mahihirapan tayo.

"Mas bata po ako kay Mahal, pero mas malawak yung karanasan ko sa pakikisama sa ibang mga tao.

"May times din po kasi na maliligaw talaga si Mahal ng landas. Kapag yung tao marunong makisama, mabilis siyang makisama.

"Pero ang sinasabi ko sa kanya, hindi siya pumili. Pag-aralan niya muna bago siya magdesisyon sa isang bagay.

"Hindi po lingid ang pagiging mabait ni Mahal. Kapag lumapit sa kanya ang tao, binibigyan niya.

"Ina-advise ko po siya regarding sa ganyan, kasi sa edad niya, kailangan yung mga iniipon niya, para sa kanya. Mag-save muna siya para sa sarili at sa pamilya niya para ma-settle yung buhay nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kapag medyo nakakaangat na siya, saka na lang siya tumulong. Kailangan balansehin niya kapag may pera siya."

Mula nang magsama sila, tiniyak daw ni Mygz na makakaipon ng pera si Mahal kaya nagbukas siya ng bank account para sa comedienne na nangangailangan ng complete guidance.

"Hindi ko pinakikialaman ang pera niya, dapat alam ng kanyang pamilya o ng tita niya. Si Tita ang nakakaalam ng mga suweldo at savings ni Mahal.

"Nag-open ako sa kanya ng isang bank account para maging safe, yung tipong hindi niya magagastos.

"Ibinigay ko po sa tita niya para makaipon siya kaya malakas ang loob ko na kahit ano ang sabihin ng mga tao, hindi ako affected.

"Hindi naman sa pagmamalaki, sa sitwasyon ngayon, kailangan ni Mahal ng guidance.

"Kailangan totoo yung pakikitungo mo kay Mahal, genuine yung pakikisama mo sa kanya."

Pagtatapat pa ni Mygz, "Mahal na mahal ko itong tao na 'to hindi dahil sa anupaman siya, dahil nakikita ko sa kanya na mas okey siya kesa ibang mga tao na normal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Saka talagang mapagmahal siya sa pamilya niya, yun ang isang ugali niya na gustong-gusto ko."

CRYING MOMENTS

Nakita mo na bang umiyak si Mahal?

"Sobrang umiyak si Mahal, iniiyakan niya ang mga nababasa niya. Yun ang unang iniiyakan niya.

"Saka yung pagdating sa pamilya, kapag nagkakaroon ng problema, umiiyak siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Si Mahal, nagbabasa. Nasasaktan siya sa mga batikos ng mga tao sa kanya sa social media.

"Sinasabi ko sa kanya na hayaan ang mga taong nagsasalita ng masakit kasi mahina siya pagdating sa ganyan. Nakakatanggap siya ng mga panghuhusga.

"Ang sabi ko sa kanya, 'Ang mga tao walang karapatang husgahan ka. Diyos na ang bahala sa kanila.'"

Ano ang mensahe mo sa mga taong pinagdududahan ang motibo ng pagtulong mo kay Mahal?

Ayon kay Mygz, "Salamat sa kanila, mas lalong naggo-grow ang samahan namin ni Mahal.

"Thank you sa kanila kasi kung ano yung paghuhusga sa amin, Diyos na rin po ang makapagsasabi ng mga mangyayari.

"Kilalanin nila ang Diyos para kanilang malaman ang mga sinasabi nila kasi ang Diyos hindi mapanghusga. Sila pa kaya?

"Ipinapasa-Diyos ko na lang ang mga sinasabi ng mga tao against sa akin at kay Mahal."

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
YouTuber Mygz Molino on Mahal: "Mahal na mahal ko itong tao na 'to hindi dahil sa anupaman siya, dahil nakikita ko sa kanya na mas okey siya kesa ibang mga tao na normal."
PHOTO/S: @mygz.molino on Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results