Si Willie Revillame ang isa sa mga unang nagpugay kay Mahal nang malaman niya ang pagpanaw ng comedienne.
Pumanaw si Mahal noong Martes, August 31, sa edad na 46.
Nakatrabaho ni Willie si Mahal noong 2003 sa Magandang Tanghali Bayan, ang defunct noontime show ng ABS-CBN.
Sinariwa ni Willie sa Wowowin ang masasayang alaala niya tungkol kay Mahal noong nabubuhay pa ito.
“Si Mahal po, nakakasama ko ‘yan. Actually, nakasama ko si Mahal sa MTB, kami ni Randy Santiago, ni John Estrada.
“Kami ho yung nagpangalan kay Mura. Pero si Kuya Randy ang nag-discover yata kay Mahal sa Lunch Date,” pagbabalik-tanaw ni Willie.
Si Willie ang isa sa mga discoverer ni Mura, na namataan nila sa audience gallery ng Magandang Tanghali Bayan (MTB) .
Allan Padua ang tunay na pangalan ni Mura, na ipinareha kay Mahal.
Mura ("cheap") ang ibinigay na screen name sa kanya dahil "expensive" sa English word ang kahulugan ng showbiz moniker ni Mahal, na Noeme Tesorero ang tunay na pangalan.
Patuloy ni Willie, “May times na si Mahal dumadalaw dito [Wowowin] at nakakatuwa dahil lagi siyang nagpapasaya sa amin. Nakakaaliw siya.
“Kapag nandito siya, pinapasaya niya kami, on and off the camera.”

Madalas na binibigyan ni Willie si Mahal ng cellphone, jacket, at cash sa tuwing dumadalaw ang comedienne sa studio ng Wowowin.
“Mami-miss ka namin, Mahal. Nakasama namin ‘yan, e, masayahin.
“Sa pamilya ni Mahal, sa kanyang mga mahal sa buhay, kami po ay nakikiramay.
"In behalf of GMA 7 family, dito po sa Wowowin, kami po lahat, nakikiramay kami.
“Our condolences at, Mahal, salamat sa pagbibigay mo ng kasiyahan sa amin. Salamat at pinangingiti mo kaming lahat.
"We will miss you, Mahal, we will miss you.
“Ang hirap kasi, may pinagdadaanan tayo, tapos may nakakasama ka na malapit sa 'yo…
“Ganoon talaga ang buhay natin, hindi natin masabi. Maaaring ako rin, mawala anytine rito,” sabi ni Willie, na hindi naitago ang lungkot na nararamdaman dahil sa pagkawala ni Mahal.
PUBLIC VIEWING
Nagsimula ang public viewing sa urn ng mga labi ni Mahal sa Cosmopolitan Chapel ng Shrine of the Santuario De San Vicente De Paul sa Tandang Sora Avenue, Quezon City, gayong Biyernes, September 3.
Magtatagal ang public viewing hanggang sa Linggo, September 5.
Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa plano ng kanyang pamilya, magaganap ang inurment para sa mga labi ni Mahal sa Himlayang Pilipino, Quezon City, sa Lunes, September 6.
Napagdesisyunan ng naulilang pamilya ni Mahal na pagsabayin ang inurment sa comedienne at sa kanilang ama na si Romy Tesorero na sumakabilang-buhay noong August 5, 2021.
Gaya ni Mahal, kumplikasyon sa COVID-19 ang ikinasawi ng kanyang 73-year-old father.