Kakandidatong gobernador ng Laguna sa eleksyon sa May 2022 ang dating ABS-CBN News reporter na si Sol Aragones.
Patapos na ang kanyang termino bilang representative ng ikatatlong distrito ng naturang lalawigan.
Makakalaban ni Aragones ang incumbent Laguna governor na si Ramil Hernandez, na bise gobernador ni ER Ejercito, aka Jorge Estregan, bago bumaba sa puwesto ang actor-politician noong May 2014.
Napilitan si E.R. na ipaubaya kay Hernandez ang pagiging gobernador ng Laguna nang ipinag-utos ng Commission on Elections ang kanyang pagbaba dahil napatunayan ng korte na gumastos siya nang higit sa nararapat (overspending) sa eleksyon noong May 2013.
Ang anak ni E.R. at ang aktor na si Jorge “Jerico” Ejercito ang running mate ni Sol sa magaganap na halalan sa susunod na taon.
Kinumpirma ni E.R. ang partnership ni Sol at ng kanyang anak sa pamamagitan ng Facebook post niya.
Ayon kay E.R., sina Sol at Jerico ang "bagong pag-asa at bagong simula ng Bagong Laguna."
Si Sol ang "bagong ina" at si Jerico ang "bagong ama" ng kanilang lalawigan.

Hindi ito ang unang pagkakataong sasabak si Jerico sa vice-gubernatorial race sa Laguna. Kumandidato na rin siya noong 2016 para sa nasabing posisyon pero nabigo.
Nagsimula ang acting career ni Jerico noong 2011 sa pelikulang pinagbidahan ng kanyang ama, ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.
Sinundan ito ng El Presidente noong 2012. Ang Suarez: The Healing Priest (2020) ang huling acting project ni Jerico.
Bida rin si Jerico sa action movie na Alias Ben Tumbling, na matagal nang natapos ang shooting pero walang katiyakan kung kailan maipalalabas.
