Malakas ang epekto ng balita tungkol sa pamamaalam ni Kim Atienza sa Kapamilya Network at paglipat niya sa GMA-7.
Inaabangan na ang pagsasalitang gagawin ni Kim sa huling araw nito sa TV Patrol bukas, October 1, dahil ito ang kanyang ipinangako sa fans, supporters, at social media followers niya.
Nangyari ang malungkot na pagpapaalam ni Kim sa mga executive ng ABS-CBN sa araw ng paglipat ng former Kapuso actress na si Lovi Poe sa Kapamilya network.
Naunawaan umano ng mga executive ng Kapamilya Channel ang desisyon ni Kim pero umaasa silang magbabalik ang sikat na weather anchor sa kanilang poder kapag muling nabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang GMA Network tungkol sa magiging segment ni Kim sa 24 Oras. Pero tiyak na ang pagkakaroon niya ng regular show sa GTV Live, ang sister station ng GMA-7.
Reportedly, Dapat Alam Mo ang pamagat ng bagong show ni Kim sa GTV.
Sa titulo pa lang, malinaw na informative at educational ang show na pagsasamahan nina Kim, Emil Sumangil, at Patricia Tumulak.
Mapapanood ito tuwing Lunes hanggang Biyernes mula 5:30 p.m. hanggang 6:30 p.m.
May mga lumulutang na balitang lima at hindi lamang dalawa ang mga programang ibibigay ng GMA-7 kay Kim, pero kailangan pa ng kumpirmasyon mula sa mga kinauukulan.
Postscript: May hashtag na #DapatAlamMo ang Facebook post ng GMA-7 reporter na si Emil Sumangil ngayong Huwebes, September 30.
“Ngayong October na! Abangan” ang nakasulat sa teaser ad na ginawa ng mga kasamahan ni Emil.
Imbitasyon ni Emil: “Sa mala-Jose Mari Chan na kuha na ito (na likha ng mga may matatabang utak na kasamahan ko sa Program Support Department/GMA PSD), idaraan ko ang pag-anyaya at muling paghingi ng suporta sa ilulunsad na program kung saank kabahagi po ang inyong lingkod, maraming salamat.”
Pero hindi niya binanggit ang pangalan ng kanyang mga makakasama sa Dapat Alam Mo.
