Walang ipinalit kay Kim Atienza ang TV Patrol dahil si Bernadette Sembrano ang naghatid ng ulat tungkol sa lagay ng panahon.
Base ito sa telecast ng prime-time newscast ng Kapamilya Channel ngayong Lunes ng gabi, October 4.
Mas kilala bilang Kuya Kim, siya ang weatherman ng TV Patrol sa loob ng labimpitong taon.
Pero noong Biyernes, October 1, pormal siyang nagpaalam sa programa dahil sa kanyang paglipat sa GMA Network.
Ngayong gabi, mainit ang naging pagsalubong ng 24 Oras anchors na sina Mel Tiangco, Vicky Morales, at Mike Enriquez sa paglipat ni Kim sa Kapuso Network.
KUYA KIM'S SHOWS
Tatlo ang programa ni Kuya Kim bilang Kapuso.
Kumpirmadong magiging bahagi si Kim ng 24 Oras pati na rin Mars Pa More, ang morning show nina Iya Villania at Camille Prats.
Noong September 30, unang naiulat sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na may gagawing programa si Kim sa sister channel ng GMA na GTV.
Iyon ay ang Dapat Alam Mo!, ang bagong informative at educational program ng GTV na pagsasamahan nila nina Emil Sumangil at Patricia Tumulak.
Makakasama rin ni Kim sa 24 Oras ang resident meteorologist na si Nathaniel “Mang Tani" Cruz.
MANG TANI REMEMBERS FIRST TIME HE MET KUYA KIM
May mga tagahanga si Mang Tani na nag-alala kung may epekto sa partisipasyon niya sa 24 Oras ang paglipat ni Kim sa Kapuso Network.
Pero walang dapat ipag-alala ang supporters niya dahil magsasanib-puwersa sina Mang Tani at Kim.
Binigyan nina Mel, Vicky, at Mike si Mang Tani ng sariling moment dahil siya ang huling nagbigay ng mensahe para kay Kim tungkol sa nalalapit na pagpasok nito sa 24 Oras.
Nagbalik-tanaw si Mang Tani na siya ay nagtatrabaho sa PAG-ASA habang baguhan pa lang si Kim bilang weatherman nang una silang magkakilala.
Mensahe niya kay Kuya Kim: "Hi. Puwede na kitang tawagin ngayong Kapuso Kuya Kim. Welcome siyempre!
"Natatandaan mo pa ba yung matagal na matagal na panahon na magsisimula ka sa bagong trabaho mo noon at ako naman ay nasa PAGASA.
"Matagal na ‘yon, pero ngayon ha, heto, magkakasama na tayong dalawa.
"Siyempre, definitely, you will enjoy Kapuso Network. So Kapuso Kuya Kim, welcome!"
Kasalukuyan pa ring nananatili sa Australia si Mang Tani.
Use these Klook promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.