Red-letter day para kay Alden Richards bukas, October 15, dahil sa muling pagpirma niya ng exclusive contract sa GMA-7.
Magaganap ang contract signing ni Alden sa isang five-star hotel sa Mandaluyong City at tiyak na ang pagdalo ng top executives ng GMA-7.
Isa si Alden sa pinakasikat at pinakamalaking contract star ng GMA-7 na nananatiling loyal sa kanyang mother studio mula nang mag-umpisa ang acting career niya noong 2010.
Nakaguhit sa palad ni Alden na maging bahagi ng Philippine show business dahil nag-audition siya noong 2009 sa Season V ng StarStruck, pero hindi pinalad na mapili sa finalists.
Nakasama lang si Alden sa Top 60 contestants ng reality-based artista search ng GMA-7, pero hindi ito naging dahilan para mawalan siya ng pag-asa.

Sa interbyu sa kanya ng PEP.ph noong January 17, 2011, ikinuwento ni Alden ang audition niya para sa Alakdana, ang afternoon drama fantasy series ng GMA-7 na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay.
"Lima po kaming pinagpilian dito. Mostly po yung mga nakasama ko sa audition, galing po sa Tween Hearts.
"Ako lang po yung walk-in, ako lang po yung galing sa labas na tinawagan para mag-audition.
"Yun po, binigyan po kami ng script, pinaarte. Tapos, after two days po, nalaman ko na ako yung napili. So, very blessed po ako," lahad ni Alden.
Malaki ang pasasalamat ni Alden sa direktor na si Mac Alejandre dahil ito ang pumili sa kanya para maging isa sa mga kapareha ni Louise delos Reyes sa Alakdana.

Alden in a publicity photo for Alakdana
Si Alden ang pangalawang Kapuso star na bibigyan ng malaking pagpapahalaga ng GMA Network, Inc. sa kanyang muling pagpirma ng kontrata ngayong 2021.
Noong July 1, 2021, mainit din ang pagsalubong ng GMA-7 management kay Bea Alonzo nang lumipat ito at pumirma ng kontrata sa Kapuso Network.
Si Bea ang leading lady ni Alden sa A Moment to Remember, ang pelikula ng GMA Pictures at Viva Films na pagbibidahan nila.