Sa hindi inaasahang pagkakataon, humingi ng paumanhin si Baron Geisler sa mga baklang pisikal na nasaktan niya noong mga panahong may bisyo pa siya.
Nangyari ang paghingi ni Baron ng paumanhin sa virtual media conference ng pelikulang Barumbadings kahapon, October 27.
Kasama ni Baron sa action-comedy movie sina Mark Anthony Fernandez, Jeric Raval, at Joel Torre.
“This is the best time to make amends to those I’ve hurt during the time that I was a very bad boy, barumbado.
"Na may madaanan lang akong bading, nasasampal ko sa mukha. Wala pa naman lagpas lima, siguro nasa tatlo,” rekoleksiyon ni Baron sa mga pagkakamaling ginawa niya noon.
Dagdag niya, “Kung sinuman kayo, sana po mapatawad niyo na ako. Thank you, nabigyan ako ng pagkakataong makapag-apologize sa kanila.”
Mali ang manakit at igalang ang kapwa ang dalawa sa mga aral na sinabi ni Baron na natutunan niya mula sa kanyang mga personal na karanasan noong lulong pa siya sa masasamang bisyo na inihihingi niya ngayon ng kapatawaran.
Saad niya, “It’s not good to hurt anyone, psychologically, physically. It’s really bad.
"Be kind to every one and respect begets respect and respect boundaries as well.
"Nung time na yun kasi, kasagsagan ko ng alak and drugs.
"Noong nasa loob ako ng rehab, isa ‘yan sa mga nag-hit sa kaluluwa ko, sa puso ko, sa utak ko.
"Nakita ko yung past mistakes ko, and I said, sobrang maling-maling talaga yung ginawa ko. Hindi 'yon dapat, hindi ‘yon tama.
"Sorry from the bottom of my heart."
Naging malapit na magkaibigan si Baron at ang direktor ng Barumbadings na si Darryl Yap dahil ipinaglaban ng huli makasama sa cast ng Tililing ang 39-year-old actor noong nagsisimula itong magbagong-buhay.
Si Darryl din ang pumili kay Baron para maging isa sa mga bida sa Barumbadings.
Hindi dumalo si Darryl sa digital presscon ng Barumbadings kaya hindi niya narinig ang mga papuri sa kanya ni Baron bilang direktor at kaibigan.
Kung nagawa ni Baron na humingi ng paumanhin sa mga bakla na kanyang sinampal nang walang anumang dahilan, baka kailangan din niyang humingi ng kapatawaran mula kay Darryl.
Maaaring hindi namalayan ni Baron na nasaktan niya si Darryl, mentally and emotionally, noong panahong ginagawa nila ang Barumbadings kaya hindi nakarating ang direktor sa mediacon ng kanilang pelikula.