Si Joel Rey Carcasona ng Pilipinas ang first runner-up sa virtual competition ng 13th Mr. Gay World na naganap noong October 31, 2021.
Si Louw Breytenbach naman ng South Africa ang nagwagi ng titulo at korona.
Malaki ang posibilidad na isalin kay Carcasona ang Mr. Gay World 2021 crown dahil sa pagbibitiw ni Breytenbach, pero hinihintay pa ang desisyon at opisyal na pahayag ng Mr. Gay World Organization.
Kung mapapasakamay ni Carcasona ang titulo at korona na ibinalik ni Breytenbach, gagawa ng kasaysayan sa Mr. Gay World ang Pilipinas dahil sa triple win na mangyayari sa magkakasunod na taon.
Si John Jeffrey “Janjep” Carlos ang Mr. Gay World winner noong 2019, si Leonard Kodie Macayan ang Mr. Gay World 2020, at kung saka-sakali, si Carcasona ang pangatlo kung ibibigay sa kanya ng Mr. Gay World Organization ang puwestong iniwanan ni Breytenbach.
Nagbitiw si Breytenbach bilang Mr. Gay World 2021 dahil sa hidwaan nila ng Mr. Gay World Organization.
Naninindigan si Breytenbach na "unconstitutional at opaque" ang diumano’y puwersahang pagpapapirma sa kanya ng kontrata ng Mr. Gay World Organization.
Tinutulan ni Breytenbach ang nakasaad sa kontrata na ang Mr. Gay World Organization ang kanyang exclusive agent para sa mga booking at acting roles niya.
“I don’t need them to manage whatever TV opportunities I get. My suggestion was that they manage me based on opportunities pertaining to the pageant and my role as Mr. Gay World,” ang nagmamatigas na deklarasyon ni Breytenbach.
Ipinoprotesta rin ni Breytenbach ang nakalagay sa kontrata na magbabayad siya ng penalty na 5,000 euros (Php 284,389.25) kapag iniwanan niya ang Mr. Gay World sa kahit anumang dahilan.
Para kay Breytenbach, hindi makatarungan ang kontrata.
Bukod sa mga reklamo niya, nagtatanong siya kung saan napapunta ang mga perang kanyang nalikom para sa Mr. Gay World.
Ang news site na The Citizen ang naglabas ng official statement ng Mr. Gay World Organization na kumpirmasyong tinanggap nila ang resignation ni Breytenbach.
Nakasaad dito: “Mr Gay World confirms it has received the resignation of the current titleholder, Louw Breytenbach from South Africa, following a contractual dispute, despite our best attempts to resolve the matter amicably and reasonably.
"We also note the unfortunate press release issued on Mr Breytenbach’s behalf which includes a series of defamatory allegations about the organisation and its officials.
"We strongly refute these allegations and thoroughly reject Mr Breytenbach’s version of the events as described. Mr Gay World is meeting with its legal team to decide what steps to take and will not issue any further comment for the moment."
Tila hahantong sa legal na usapin ang hidwaan sa pagitan ng Mr. Gay World Organization at ni Breytenbach na ayaw magpatalo dahil sa kanyang bagong Facebook post tungkol sa isyu.
“All I'm asking is show the public my ridiculous contract. Show the public the allocations to charities. Explain what charity the voter money was used for. And ask why more than 12 national winners from different countries have now spoken up about their terrible experiences with the organization. Show us the receipts guys.”

Postscript: Si John Raspado ang unang Pilipino na nanalong Mr. Gay World na ginanap sa Spain. Magiging apat na ang Pinoy na Mr. Gay World titleholder kapag ipinagkaloob ng Mr. Gay World Organization kay Carcasona ang koronang ibinalik ni Breytenbach.