Malayong-malayo si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis "Chavit" Singson kay Roger Moore, ang Hollywood actor na gumanap na James Bond sa 1974 blockbuster movie na The Man With The Golden Gun.

Pero gumamit ang controversial Filipino politician ng golden gun nang magpaulan siya ng pera para sa mga kababayan niya.
Ibinahagi ni Singson sa kanyang official Facebook page ang video ng pamumudmod niya ng mga pera, gamit ang golden gun na bumubuga ng 100 at 500 pesos habang nagkakagulo, nagsisigawan, at halos magkandarapa sa pag-aagawan sa salapi ang mga residente ng bayan ng kanyang pinamumunuan.
"Sana all." "Sana ibigay nang maayos." "Ginawang timawa ang mga tao." "Panis si Pacquiao.”
Ito ang ilan sa mga reaksiyon ng netizens sa video ng pamumudmod ni Singson ng pera sa kakaibang paraan, at may hashtags na #HappyHolidays at #SpiritOfGiving.
Para sa mga kaalyado ni Singson, hindi dapat batikusin ang pamimigay niya ng pera dahil katuwaan lamang ang lahat. Nais lamang umano ni Singson na pasayahin sa panahon ng Kapaskuhan ang kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng pagpapaulan ng pera.
Nangyari ang pagpapaulan niya ng pera sa araw ng Niños Inocentes o Feast of the Holy Innocents na ginugunita tuwing Disyembre 28.
Hindi naman ito original stunt dahil maraming beses na itong ginawa ng equally controversial American boxer na si Floyd Mayweather Jr. sa Las Vegas.

Nabanggit naman ng netizens ang pangalan ni Senator Manny Pacquiao dahil lantaran din ang pamimigay nito ng pera sa mga taong dumarayo sa kanyang mga kampanya para sa ambisyon niyang mahalal na pangulo ng Pilipinas.

Isa si Singson sa mga masugid na supporter ni Pacquiao sa tuwing lumalaban ito ng boxing, pero nagkaroon ng lamat ang kanilang pagkakaibigan.
Ito ay dahil sa pagsusulong ng Pambansang Kamao na taasan ang buwis sa tabako na isa sa mga pangunahing negosyo ng seasoned politician, na mahigpit ang pagtutol.
Postscript: Ang Niños Inocentes ay ang paggunita sa mga sakripisyo ng mga inosenteng batang lalaki sa Bethlehem na may edad dalawa pababa na ipinag-utos ni Haring Herodes na patayin dahil nalaman niya ang pagsisilang kay Hesus na kikilanin bilang Hari ng mga Hudyo.
Para sa Simbahang Katoliko, ang mga banal na sanggol ay sumisimbolo sa mga handang mamatay para kay Kristo sa anumang edad at anumang oras: namatay sila sa halip na si Kristo.
Ang mga inosenteng bata ay itinuturing na ngayong "Mga Unang Banal ng Simbahan."
Ang kanilang pagiging martir ay ginugunita sa pamamagitan ng isang Misa na nakatuon sa kanilang pinakamataas na sakripisyo upang ang Sanggol na Hesus ay mabuhay at magawa ang itinakda at kagustuhan ng Diyos Ama.