Sina Ryza Cenon, Wendell Ramos, at ilang mga negosyante at pulitiko ang nagbigay ng tulong kay Nardo Flores.
Si Flores ang lolo na isang linggo (mula January 13 hanggang January 20, 2022) na nanatili sa kustodiya ng Asingan Police dahil sa bintang na pagnanakaw ng mga bunga ng mangga sa insidente na nangyari noong April 2021.
Ipinadala ni Ryza ang kanyang tulong sa pamangkin ni Lolo Nardo.
Personal namang sinadya ni Wendell ang tahanan ng matanda sa Asingan para ibigay ang kanyang handog na negosyo—ang maliit na tindahan ng mga karne na nagtataglay ng pangalan ni Lolo Nardo.
Bumuhos ang mga simpatiya, tulong, at legal aid kay Lolo Nardo mula sa mga kababayan nating hindi matanggap na dinakip siya nang dahil lamang sa pagpitas ng "sampung kilo ng mangga."
Pero nagkaroon ng bagong anggulo ang kaso nang lumantad at magsalita si Robert Hong, ang truck driver at caretaker ng lupa na pinagtataniman ng puno ng mangga na inani ni Lolo Nardo.
Si Hong ang nagsampa ng reklamong theft laban kay Flores.
Matagal nanahimik si Hong. Natakot umano siya dahil sa mga batikos at mga pagbabanta sa buhay nila ng kanyang pamilya mula sa netizens na pumapanig kay Lolo Nardo.
Dahil dito, nakikiusap silang bigyan sila ng proteksiyon ng mga pulis.
Sa panayam sa kanya ng Balitang Amianan ng GMA Regional TV, nilinaw ng complainant na sampung kaing at hindi lamang sampung kilo ng mangga ang kinuha ng akusado.
Tatlong beses umanong nagkaroon ng pagdinig sa barangay ang kaso hanggang humantong sa korte ang usapin.
Pero sinabi ni Hong na iniurong na niya ang reklamo kaya nagulat siya nang arestuhin si Flores ng Asingan Police.
Lahad ni Hong, “Sinabi naman sana niya, 'Ito na lang ang natira sa napagbentahan ko. Patawarin mo ako kung ano yung nagawa kong kasalanan at hindi ko na uulitin.' E, di maluwag sa loob ko na hindi ko na itutuloy yung kaso.”
Iginiit din ni Hong sa Balitang Amianan na hindi si Flores ang nagtanim ng puno ng mangga, taliwas sa pahayag ng akusado.
Pansamantala lamang daw pinatira ng may-ari ng lupa ang isang kamag-anak ni Flores, pero hindi ito naging caretaker ng lugar.
Samantala, isang saksi sa pangyayari ang nagpatotoo sa kuwento ni Hong tungkol sa sampung kaing ng mangga na pinapakyaw ni Flores sa nagbebenta.
Diumano, wala si Hong sa bahay nang ipapakyaw ni Flores ang mga bunga ng mangga mula sa bumili nito noong April 2021.
Umusad ang kaso dahil marami ang tumestigo sa pagkakamali ng akusado na inamin naman nito.
Idinagdag ng saksi na parehong hindi pagmamay-ari nina Flores at Hong ang lupa na tinitirhan nila.
Ang kaibahan lang, si Hong ang caretaker ng tunay na may-ari ng lupa kaya siya ang nagsampa ng kaso nang anihin ni Flores nang walang pahintulot ang mga bunga ng puno ng mangga.
Nakatakda sa February 8, 2022 ang arraignment kay Flores, na nagbayad ng piyansang P6,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Nagsalita si Flores sa Balitang Amianan na handa siyang humingi ng paumanhin kay Hong dahil sa mga nangyari.