Hindi inililihim ni Louise delos Reyes na nagsasama na sila ng kanyang boyfriend, pero konserbatibo pa rin ang mga paniniwala niya tungkol sa kasal .
"I think alam naman ng mga tao na I’m living in with my boyfriend right now.
"Parang ganoon [kasal] ang set-up, wala lang papel, pero ino-open mo yung mundo mo kaya maraming factor sa relasyon na dapat i-consider," prangkang pahayag ni Louise sa recent media conference ng The Wife.
December 2019 nang unang umamin si Louise na magkasama sila sa iisang bubong ng kanyang non-showbiz boyfriend.
Sa pananaw niya sa pagpapakasal, paliwanag ng aktres: "Ang kasal kasi, hindi lang siya basta papel. Hindi siya basta pinipirmahan or isang ceremony. Commitment siya. It’s a partnership between two people na nagmamahalan.
"Maraming iko-consider especially kung meron na kayong anak, so hindi basta-basta puwedeng umalis ng bahay dahil ayaw niyo na kasi meron kang responsibility.
"And responsibility niyo yung isa’t isa, yung commitment ninyo."
LOUISE PALABAN SA LOVE SCENE NILA NI DIEGO
Malaki ang kinalaman ng usaping kasal sa kuwento ng pelikulang tinatampukan nila nina Diego Loyzaga at Cara Gonzales.
Si Louise ang lead actress ng The Wife, at ito ang acting assignment niya na hudyat ng kanyang muling pagbibida sa pelikula.
Gustung-gusto ni Louise ang karakter niya sa The Wife.
Hindi raw mabibigo ang viewers dahil pumayag siyang gawin ang mapusok na love scene nila ni Diego na importante sa kuwento.
Naging madali raw sa kanyang gawin ang love scenes nila ni Diego.
Paliwanag niya: "Isa siya sa mga essential na eksena sa relationship ng mga karakter namin ni Diego.
"Inilaban ko naman ang eksena.
"Comfortable ako dahil babae ang aming direktor at director of photography kaya alam ko na aalagaan kami at talagang part ng story."
STORY OF THE WIFE
Si Louise ang gumaganap na asawa ni Diego at si Cara Gonzales ang ex-girlfriend sa The Wife.
Pero sama-sama silang nanirahan sa isang bahay dahil sa pagdating ng isang malaking pagsubok.
Nangyayari sa tunay na buhay ang kuwento ng The Wife dahil naranasan ito ng isang sikat na male TV personality na lumaki at nagkaisip na magkasama sa iisang bubong ang kanyang ina, ang ama niya, at ang other woman nito.