Kinumpirma ng nakababatang kapatid ni Mahal na si Irene Tesorero na binayaran na ni Henry Carandang, aka Jethro Carey, ang kalahating milyong piso (P500,000) na bahagi ng kanyang pagkakautang mula sa pumanaw na komedyante.
Si Jethro ang manager ni Mahal na umaming nagalaw ang savings ng comedienne dahil nangailangan siya ng pera para sa kanyang kapatid na may karamdaman.
Nalaman ng pamilya ni Mahal na P25,000 na lamang ang natitira sa savings account ng komedyante nang pumanaw ito dahil sa COVID-19 noong August 31, 2021.
Nang tanungin nila si Jethro, hindi nito itinangging nagamit ang naipon na pera ni Mahal dahil alam niya ang PIN ng ATM card, at may pagkakataon na mismong ang comedienne ang nakapirma sa authorization letter para makapag-withdraw sa bangko.
Hiningi rin ng pamilya ni Mahal ang tulong ng management ng bangko kaya nakakuha sila ng kopya ng record ng withdrawal transactions ni Jethro.
Plano ng mga naulilang kapatid ni Mahal na gamitin sa pagpapatayo ng musoleo ng namayapang comedienne ang perang nasingil nila mula kay Jethro.
Ibinigay ni Irene sa Cabinet Files ang screen shot ng kasulatang nagpapatunay ng pagbabayad ni Jethro ng P500,000 noong January 27, 2022.
Bukod sa pagbabayad sa perang nagamit, ibinalik na rin ni Jethro ang cellphone ni Mahal.
Ang cellphone ni Mahal na isinauli ni Jethro ang naging susi para malaman ng mga kapatid ang mga pinagdaanan ng comedienne, pati na ang mga pangyayari sa huling sandali ng kanyang buhay habang nakatira sa tahanan ng YouTube partner niyang si Mygz Molino sa Tanauan, Batangas.
Dahil dito, nasagot ang maraming katanungang gumugulo sa kanilang isipan.
Umiiyak na sinabi ni Irene na tinulungan sila ni Mahal para malaman nila ang buong katotohanan.
Ikinuwento ni Irene na nagpakita at nagpasalamat sa kanya si Mahal sa panaginip kaya naniniwala siyang nahanap na ng kapatid niya ang tunay na kapayapaan sa kabilang buhay.