Maghaharap si Quezon City Mayor Joy Belmonte at ang controversial director na si Darryl Yap bukas, Martes, July 26, 2022.
Magaganap ang pagkikita nina Yap at Belmonte sa opisina ng alklade sa Quezon City Hall.
READ: Quezon City Council approves resolution declaring Ai-Ai delas Alas, Darryl Yap persona non grata
Nagkaroon ng malaking isyu sa pagitan nina Belmonte at Yap noong nakaraang buwan dahil sa inaprubahang resolusyon ng Quezon City Council na ideklarang persona non grata si Yap at ang Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas.
Kaugnay ito ng diumano’y pambabastos sa triangular official seal ng Quezon City sa campaign video na pinagbidahan ni Ai-Ai at mula sa panulat at direksiyon ni Yap.
Isinulong ito ng dating konsehal na si Ivy Lagman, at inaprubahan ng Quezon City Council.
Sa isang interbyu, pinabulaanan ni Lagman na may kinalaman si Belmonte sa pagdedeklara kina Yap at Ai-Ai ng Quezon City Council bilang mga persona non grata.
Si Ai-Ai ang gumanap na Ligaya Delmonte, na isang impersonation sa katauhan ni Belmonte sa campaign video na ginawa ni Yap.
Ginamit ang video na iyon para sa kandidatura ni Mike Defensor, ang mahigpit na kalaban ni Belmonte sa mayoral election sa Quezon City noong May 9, 2022.
Hindi nabahala sina Yap at Ai-Ai sa naging aksyon ng konseho laban sa kanila.
Umuuwi pa rin ang Comedy Queen sa tahanan nito sa Quezon City; at naranasan niyang pumunta sa isang mall na walang anumang aberya, ilang araw matapos ang deklarasyong hindi siya welcome sa lungsod.
Read: Ai-Ai delas Alas, umuuwi pa rin sa Quezon City kahit idineklara siyang persona non grata
Read: Ai-Ai delas Alas, walang takot nagpunta sa isang mall sa Quezon City
Idaraos naman ang grand premiere ng Maid In Malacañang sa mga sinehan ng SM The Block sa Quezon City sa July 29 kaya siguradong tutungtong si Yap sa siyudad na pinamumunuan ni Belmonte.
Tiyak na may kinalaman ang magaganap na okasyon sa kanilang nakatakdang pagtatagpo sa Quezon City Hall bukas.