Ang mahuhusay na pagganap nina Andrea del Rosario, Kych Minemoto, at Gold Aceron, ang magandang kuwento na isinulat ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee, at ang pulidong direksyon ng filmmaker na si McArthur Alejandre ang ilan sa mga dahilan kaya ipalalabas sa mga sinehan sa October 12 ang May-December-January.
Ang May-December-January ang unang proyekto ni Lee matapos na gawaran ito ng pinakamataas na karangalan na ipinagkakaloob sa mga alagad ng sining na may malaki at mahalagang kontribusyon sa pamanang kultura ng bansa.
“Malaking bagay na napakaganda ng material ni Ricky Lee, pero sa akin ultimately because base sa mga nakapanood, nag-resonate yung emotional journey ng tatlong karakter, 'tapos, the film is affecting at sa trailer pa lang, naramdaman na yan,” pahayag ni Alejandre.
Tuwang-tuwa ang direktor nang malaman niya ang desisyon ni Boss Vic del Rosario ng Viva Films na ipalabas sa mga sinehan at hindi sa Vivamax streaming site ang May-December-January.
“Sa pelikula, I think mas marubdob ang mararamdaman ng manonood. I just want to share na noong nabuo ko yung pelikula, natapos ko nang i-edit at nailagay ko na ang sound, ang saya ng pakiramdam ko.
“The way I envisioned it and the way I plant it, yun ang naganap.
“Tuwang-tuwa ako sa reaksyon ni Ricky nang mapanood niya ang May-December-January kasi hindi lang nagustuhan, nagandahan din siya.
"So magandang validation iyon para sa effort ng lahat ng mga tao na gumawa sa pelikula.
“I think this movie will resonate with all genders, all ages because it is a relationship movie, it’s about love. It talks about love, hindi lang yung romantic love.
“Mahalaga sa akin na ma-recognize ang capacity at ang intensyon ng pagmamahal ng isang ina at kung papaano ito nakikita at nararamdaman ng isang anak.
“All the three gave very affecting performances pero aminin na natin, tayo na may mga ina na nagmamahal sa ating mga ina, mahirap nating makita na ang ina natin lumuluha o nasasaktan pero mas mahirap para sa isang ina na makita niya na ang anak niya nasasaktan.
“Bihira akong umiyak sa pelikula pero dito sa May-December-January, nagbibigay pa lang ako ng instructions sa ilang mga eksena, humahagulgol na ako. Ang husay-husay ni Andrea sa maraming piling eksena. It’s a very emotional journey,” ang sabi ni Mac na kasalukuyang nagbabakasyon sa Daet, Camarines Norte, kasama si Ricky.
Ikinuwento ni Alejandre sa Cabinet Files na umuwi sila ni Ricky sa bayan nito sa Camarines Norte para sa brainstorming ng kanilang mga susunod na proyekto.

Ayon kay Alejandre, magaganda at kakaiba ang mga konsepto na nabuo nila ni Ricky sa Daet dahil inspiradong-inspirado at kumportableng-kumportable ang National Artist sa pamamalagi sa bayang sinilangan.