Isa ang Kalye Kweens star na si Dina Bonnevie sa mga hinahangaang aktres ng sexy star na si Ayanna Misola kaya umasa itong magkakasama sila sa remake ng Ang Babaeng Nawawala Sa Sarili.
Ipinalabas ang version ni Ayanna sa Vivamax noong July 2022.
Si Dina ang original star ng Ang Babaeng Nawawala sa Sarili na isang blockbuster movie nang ipalabas ito sa mga sinehan noong October 4, 1989.
Read: Sexy star Ayanna Misola, kasama sa bucket list ang makatrabaho ang idolong si Dina Bonnevie

Nang makausap ng Cabinet Files si Dina, sinabi niyang totoong inalok sa kanyang magkaroon ng special participation sa remake na tinampukan ni Ayanna, pero tumanggi siya.
"It was offered to me. Pero sabi ko nga kay Boss Vic, it’s my hatest movie. Ay, naalaala ko na naman si Cherie, nalungkot na naman ako. Kasama ko si Cherie sa movie na iyon," saad ni Dina.
Ang tinukoy niyang "Boss Vic" ay si Vic del Rosario, star maker at founder ng Viva Entertainment; habang ang tinawag niyang "Cherie" ay ang yumaong premyadong aktres na si Cherie Gil.
Patuloy ni Dina, "I don’t like that movie kasi. Nasasaniban siya [Albina, her character in the movie].
"'Tapos kapag nasasaniban siya ng demonyo, nagiging nympho siya.
"Pero hindi ko in-accept yung remake kasi it’s too sexy. I mean, my role is not sexy pero the movie is."
Kinausap daw ni Dina ang Viva Films executive na si Valerie del Rosario sa desisyon niyang huwag tanggapin ang role bilang nanay ni Ayanna sa remake ng pelikula na siya ang orihinal na bida.
"Sabi ko kay Valerie, gusto kong mag-iwan ng legacy. Ayokong ang last memory ng mga tao [tungkol] sa akin sa pelikulang X-rated.
"Kapag namatay kami, maganda yung, 'Uy, ginawa ni Ms. D yung ganitong movie.' I want to be remembered for the quality projects na nagawa ko.
"Hindi ko naman sinasabi na hindi quality ang remake ng Ang Babaeng Nawawala Sa Sarili, pero it’s too sexy, I feel for me, to be part of," paliwanag ni Dina.
Kung ang Ang Babaeng Nawawala Sa Sarili ang pinaka-ayaw ni Dina na pelikulang ginawa nito noon, ang Sa Kabila Ng Lahat at Gumapang Ka Sa Lusak ang dalawa sa kanyang paborito at ipinagmamalaki.