Maayos ang pagpapaalam ni Boy Abunda sa management ng ABS-CBN bago naganap ang pagpirma niya ng kontrata sa GMA Network ngayong Huwebes ng hapon, December 15, 2022.
Hudyat din ito ng kanyang opisyal na pagbabalik sa television network na unang nakakita at nakatuklas sa malaking potensiyal niya bilang mahusay na interviewer at TV host.
Read: Boy Abunda "uuwi" na sa GMA Network; pipirma ng kontrata ngayong December 15
Ang may respeto at maayos na pag-alis ni Boy sa ABS-CBN ang katuparan ng kanyang pahayag nang ipakilala siya bilang celebrity ambassador ng SendWave, ang mobile app at US-based money transfer service, noong November 14, 2022.
Aniya, “Makikipag-usap ako nang matino. I value relationship. That makes this whole process difficult.
“Nag-umpisa ako ng karera ko sa telebisyon sa Channel 7. Parati kong sinasabi na doon ako natuto maglakad, [at] natuto akong lumipad sa ABS-CBN.
“Mahirap dahil may mga relasyon akong pinangangalagaan.”
At press time, hindi pa naglalabas ng detalye ang management ng GMA-7 management tungkol sa mga plano nila para kay Boy.
Pero may mga usap-usapang pang-araw-araw at fast-paced issue-oriented entertainment talk show ang programa na gagawin niya sa kanyang orihinal na tahanan. Mapapanood ito simula sa January 2023.
Ang pagbabalik ni Boy sa GMA-7 ang manipestasyon din ng kanyang pangarap na makabalik sa telebisyon matapos maapektuhan ng coronavirus pandemic ang pamumuhay ng lahat ng mga tao sa buong mundo at ng pagsasara ng ABS-CBN nang hindi na ito pagkalooban ng Kongreso ng prangkisa.
“I wanna go back to television. That much I will say — I wanna go back to television.
“Ako ay napunta sa digital platform by circumstance. Hindi naman ako digital expert, hindi naman ako digital native.
"Natuto ako because I wanted to do my interviews at sa awa ng Diyos, napagbigyan tayo nang konti. Napagbigyan tayo nang malaki, actually,” pahayag ni Boy noong November 14 na nagkaroon ng katuparan makaraan lamang ang isang buwan.
Read: Boy Abunda on rumored return to GMA-7: "I wanna go back to television."