Negatibo ang karamihan ng mga komento at reaksiyon sa balitang nagkakamabutihan ang sexy star na si Ava Mendez at ang rapper at Ex Battalion member na si Skusta Clee.
Nag-umpisa ang isyung may relasyon ang dalawa dahil sa social media post ni Ava na nagpapakitang “intimate” sila ni Skusta sa isa’t isa.
Hindi matanggap ng ilang kalalakihang humahanga kay Ava ang diumano’y pagpatol nito kay Skusta dahil nag-aalala silang makaapekto ito sa acting career ng dalaga na mula sa isang political clan.
“Kadiri ka lods, pumatol ka” at “Sarap sapakin pinatulan mo Ava” ang ilan sa mga mapanglait na mensahe na natatanggap ni Ava mula sa netizens na tutol sa kung anuman ang meron ngayon sa kanila ni Skusta.
Kinaiinggitan naman ng mga kalalakihan si Skusta dahil magagandang babae ang nakakarelasyon niya, gaya ng YouTuber na si Zeinab Harake, na ina ng kanyang anak.
Read: Skusta Clee posts "Kung kailan ka nawala saka ako pinagpala"; Zeinab's friends react
Nagsimula ang acting career ni Ava nang ipakilala siya bilang isa sa mga aspiring sexy star sa Pornstar 2: Pangalawang Putok, ang sequel ng Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar na napanood sa Vivamax noong December 2021.
Tutol ang mga kamag-anak ni Ava sa pagpapaseksi na ginagawa nito sa mga pelikulang ipinalalabas sa Vivamax na isa sa mga dahilan kaya hindi na niya ginagamit ang kanyang tunay na pangalan na Sab Aggabao.
Second lead ang mga karakter na ginagampanan ni Ava sa kanyang mga proyekto sa Vivamax, at ang Laruan ang bagong pelikula niya na napapanood sa nabanggit na streaming site.
Nakatulong kay Ava ang pagkakaugnay niya kay Skusta dahil kahit negatibo ang reaksiyon ng mga tao, napapansin at napag-uusapan na siya.
Isa itong patunay na totoo ang “publicity good or bad is still publicity,” ang linya mula sa isang pelikula ni Lino Brocka noong 1981 na naging popular na kasabihan sa local entertainment industry.