Pangalawang ina ang turing ni Star for All Seasons Vilma Santos sa namayapang si Marichu Vera-Perez Maceda kaya kahit nag-iingat siyang mabuti laban sa coronavirus, dumalo ang respetadong aktres sa Gabi ng Parangal ng 48th Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong Martes, December 27, 2022.
Personal na tinanggap ni Vilma ang Marichu Vera-Perez Maceda Memorial Award na ipinagkaloob ng naulilang pamilya ng Philippine movie industry stalwart para sa hindi matatawarang mga kontribusyon ng actress-politician.
Sumakabilang-buhay si Manay Ichu noong September 7, 2020.
Read: Former movie producer Marichu "Manay Ichu" Vera-Perez Maceda passes away
Importante kay Vilma ang Marichu Vera-Perez Maceda Memorial Award dahil bukod sa wagas na pagmamahal sa pumanaw na industry leader at kauna-unahang recipient ng nasabing parangal, ipinagdiriwang ni Vilma ngayong 2022 ang ika-60 anibersaryo ng kanyang acting career.
Read: Vilma Santos, magkakaroon ng 60th anniversary special sa ABS-CBN
“Sa bumubuo po ng Marichu Vera-Perez Maceda Award, ang akin pong taus-pusong pasasalamat sa pagkilala po na ibinigay nila sa akin ngayong gabi,” umpisa ng pasasalamat ni Vilma, na sinalubong ng masigabong palakpakan at standing ovation nang umakyat siya sa entablado.
Patuloy niya, “Mahalaga po sa akin ang pangalang Marichu Vera-Perez Maceda kasi siya po ay para kong pangalawang ina.
“Sa panahon po ng buhay ko na kailangang-kailangan ko ng gabay, nandiyan po si Manay Ichu.
“Sa taong ito, anim na dekada na po akong nasa industriya ng pelikulang Pilipino. Sixty years!
“At hindi po naging madali. Medyo mahirap din po pero nakayanan ko po dahil sa pagmamahal ng mga tao sa akin, higit sa lahat, ng akin pong mga Vilmanian. Thank you very much.
“And never in my wildest dreams na ako po ay magiging isang pulitiko. Never in my wildest dreams na ako po ang magiging isang mayor, governor, at congresswoman, but I guess it was meant to be.
"Gusto ng Panginoong Diyos so ginawa ko po ang lahat ng aking magagawa para ibalik ang serbisyong ito sa mga tao po na nagtiwala sa akin. Hindi ko po kayo ipinahiya,” nakangiting pahayag niya.
Isa si Vilma sa mga tunay na maipagmamalaki ng industriya ng pelikulang Pilipino dahil mahirap nang mapantayan at mahigitan ang kanyang mga tagumpay bilang aktres at public servant.