Nangangailangan ng kaukulang atensiyon ang Kapuso Walk of Fame sa paligid ng GMA Network.
Bukod sa ninakaw ang mga bituin ng mga pinarangalang personalidad, basag na ang ibang mga bituin na gawa sa tiles.
Mahigit sa labing-apat ang bilang ng Kapuso Walk of Fame stars na nakalagay sa bahagi ng GMA-7 compound sa EDSA ang nawawala, pero hindi malinaw kung ninakaw o sinadyang alisin para ayusin o palitan.
Read: Kapuso stars inducted in GMA-7 Walk of Fame
Pinasinayaan ang Kapuso Walk of Fame noong March 2014 bilang parangal sa mga personalidad na malaki ang kontribusyon sa industriya ng radyo, telebisyon, at pelikula.
Proyekto ng GMA Network Inc. at ng pumanaw na TV host na si German Moreno ang Walk of Fame sa Kapuso compound.
Sina Vilma Santos, Nora Aunor, Fernando Poe Jr., Susan Roces, Regine Velasquez, Marian Rivera, Dingdong Dantes, Pops Fernandez, Sheryl Cruz, Mike Enriquez, Mel Tiangco, Bobby Ledesma, at Rafael Yabut ang ilan sa mga personalidad na pinagkalooban ng sariling bituin sa sariling bersiyon ng Kapuso Walk of Fame.


Sa kasamaang-palad, napabayaan at hindi na nabibigyan ng pansin ang mga bituin. Kung hindi ninakaw at basag ang tiles, malabo na ang mga letra kaya hindi na mabasa ang mga pangalan.
Sinuyod ng Cabinet Files ang paligid ng GMA-7 para kunan ng litrato ang nakalulungkot na kalagayan ng Kapuso Walk of Fame.
Marami na ang mga bituing nawala; mali ang spelling ng pangalan nina Phillip Salvador (double L ang spelling ng pangalan niya, hindi Philip) at Paolo Ballesteros...

Basag ang mga bituin nina Mel Tiangco, Mike Enriquez, Regine Velasquez, Marian Rivera, at Carla Abellana; at malabo na ang mga nakasulat na pangalan ng ibang mga artista...


Ang bituin na lamang ni Nora ang maganda ang kundisyon, samantalang dalawa at hindi lamang isa ang mga bituin ni Jessica Soho na makikita sa harap ng GMA Network building sa Timog Avenue entrance.

Malaki ang ginastos at maganda ang motibo ng GMA-7 sa paglulunsad nito ng Kapuso Walk of Fame, pero nakapanghihinayang na hindi pinahahalagahan, sinisira, ninanakaw at dinadaan-daanan lamang ng mga tao na hindi alam ang importansiya ng mga bituin na kanilang tinatapakan.