Ginugunita ngayong Sabado, February 25, 2023, ang ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Pero malungkot ang katotohanang halos wala na ang diwa ng isa sa pinakamahalagang bahagi na kasaysayan ng ating bansa, na aming personal na nasaksihan, naramdaman, at naranasan mula Pebrero 22 hanggang Pebrero 25, 1986.
Ang rebolusyong walang dumanak ng dugo ay nagsimula ng Sabado ng gabi, February 22, 1986, nang manawagan si Jaime Cardinal Sin sa Radyo Veritas, na suportahan, protektahan, at puntahan ng mga tao sa Camp Aguinaldo ang noo'y Defense Minister Juan Ponce Enrile at noo'y Acting AFP Chief of Staff Fidel Ramos.
Mabilis na kumalat ang balitang nakatakdang dakpin ang dalawa, na kapwa naglilingkod noon sa administrasyon ni President Ferdinand Marcos Sr., nang bawiin nila ang suporta sa Pangulo at talikuran ito.
Naniniwala ang dalawa na si Cory Aquino ang tunay na nanalo bilang bagong presidente ng bansa sa snap election na naganap noong February 7, 1986.

NORA AUNOR MOBBED BY PROTESTERS
Ang August 21 Movement (ATOM) founding member, aktor, at nakababatang kapatid ni Ninoy Aquino na si Butz Aquino ang nanawagang magtipun-tipon ang lahat sa harap ng Isetann Department Store sa Cubao, Quezon City, para sama-samang magpunta sa magkatapat na Camp Crame at Camp Aguinaldo sa EDSA na kinaroroonan nina Enrile at Ramos.
Itinatag ang ATOM dahil sa pagpaslang kay Ninoy sa Manila International Airport noong August 21, 1983.
Napakalapit ng Isetann sa bahay na tinitirhan namin noon kaya kabilang kami sa mga nagpunta at sumama kay Butz Aquino patungong EDSA.

Ang aming grupo ang unang dumating sa harap ng Camp Aguinaldo kaya nakita namin ang pagdating ng Superstar na si Nora Aunor madaling-araw ng Linggo, February 23, 1986.
Dahil sarado ang gate ng kampo, pumasok si Nora sa Camp Aguinaldo sa pamamagitan ng pag-akyat at paglusot sa maliit na bintana ng guard house, para personal na kausapin si Enrile.
Nang lumabas si Nora mula sa Camp Aguinaldo, marami nang tao sa harap ng gate, at kinuyog siya.
Galit na galit na pinagmumura at pinagsisigawan ng mga tao si Nora ng “sipsip, balimbing, ibinenta ang taumbayan,” dahil lantaran nitong sinuportahan ang presidential candidacy ni Marcos sa snap election na ipinatawag ng huli noong February 7, 1986.

Pinilit ni Nora magpaliwanag pero naging bingi ang mga tao, na nangibabaw ang galit at nagtanong kung nasaan ang diumano’y pitong milyong pisong kabayaran niya para ikampanya ang kandidatura ni Marcos.
Parang shooting ng pelikula ang eksena. Ang kaibahan lamang, totoo ang mga nangyayari.
Nahinto lamang ang pagkuyog kay Nora at sa sasakyan nito nang lumuluhang umalis ang aktres at ang kanyang kasama mula sa harap ng Camp Aguinaldo.
Makalipas ang 37 taon, isa nang National Artist ang Superstar at ang bagong Presidente ay mismong anak ni Marcos Sr.
CORY CALLS FOR CIVIL DISOBEDIENCE
Technically, nagsimula ang vigil— ang pagpupuyat at pagbabantay ng mga tao kina Enrile at Ramos— madaling-araw ng Linggo, February 23.
Sina Rudy Fernandez, Edu Manzano, Joel Torre, Celeste Legaspi, ang direktor na si Lino Brocka, at ang Regal Films producer na si Mother Lily Monteverde ang ilan sa mga showbiz personality na namataan sa harap ng magkatapat na kampo ng Aguinaldo at Crame sa EDSA.
Read: Stars at the EDSA People Power of 1986
Bago naganap ang People Power Revolution, nagkaroon muna ng panawagan ng civil disobedience si Cory Aquino sa naganap na victory rally nito sa Luneta Park noong February 16, 1986, bilang protesta sa malawak na dayaan sa snap election na napanalunan umano ni Marcos.
Bahagi ng civil disobedience ang pag-boycott— o hindi pagtangkilik— sa mga negosyo ng mga kilalang malapit na kaibigan ni Marcos, aka mga crony, na nakinabang nang husto sa diktadurya nito.
May epekto ang civil disobedience.
Nakita naming nabawasan ang mga namimili sa department store at supermarket ng Rustan’s, na pag-aari ng pamilya Tantoco na malapit sa mga Marcos.
Naapektuhan rin ang benta ng mga produkto ng San Miguel Corporation, na pinamumunuan noon ng businessman at Marcos crony na si Eduardo "Danding" Cojuangco, first cousin ni Cory.

PROUD TO BE FILIPINO
Mula February 23 - February 26, naramdaman naming tunay na masarap maging Pilipino at karapat-dapat ipagmalaki ang ating lahi sa ipinamalas na pagtutulungan at pagmamahalan ng mga kababayan nating nagkaisa para wakasan ang dalawampung taong paghari-harian ni Marcos, kunsaan halos labing-apat na taon dito ay bilang isang diktador.
Hindi uso noon sa EDSA ang salitang gutom dahil umaapaw at hindi maubos-ubos ang mga pagkain at inumin na donasyon ng mga taong sabik na sabik nang maibalik sa Pilipinas ang demokrasya.
Pantay-pantay ang estado noon ng mga tao sa EDSA dahil walang mayaman o mahirap. At sa kabila ng panganib na nakaamba, malaya kaming nakakapasok at nakalalabas ng Camp Crame.
Isang malaking piyesta ang sitwasyon noon sa EDSA.

Nabahiran ito ng matinding tensiyon at takot nang dumating ang mga tangke ng Philippine Marines sa kanto ng Ortigas Avenue at EDSA.
Ngunit hindi natuloy ang pag-atake dahil nagkapit-bisig ang mga mamamayan para harangin ang mga tangke. Pari at madre, kabataan at mga magulang, upper class, middle class, mga dukha—sama-samang nagdasal at nagbigay ng mga pagkain at bulaklak sa mga sundalo.
Ang kinatatayuan ngayon ng The Shrine of Mary, Queen of Peace, Our Lady of EDSA —o tinatawag na ngayong EDSA Shrine—ang eksaktong lugar na pinangyarihan noon ng punumpuno ng tensiyon na pagpigil ng mga tao sa pag-usad ng mga tangke at ng Philippine Marines na papuntang Camp Crame at Camp Aguinaldo.
Naghatid din ng takot sa mga tao sa EDSA ang mga helicopter na lumilipad sa himpapawid. Pero walang masamang nangyari. Hindi nag-aggressive action si Marcos.
Lingid sa kaalaman ng tao, nawalan na ng ngipin si Marcos nang talikuran siya ng Estados Unidos.

TWO PROCLAMATIONS AND MARCOS DOWNFALL
Noong February 25, 1986, magkasunod na nanumpa sina Aquino at Marcos bilang mga halal na Pangulo ng Pilipinas.
Nanumpa si Aquino sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan. Hindi kami nakapasok dahil sa mahigpit na seguridad.
Nanumpa naman si Marcos sa Malacañang Palace. Isang kahihiyan ang nangyari nang mawala sa ere ang kanyang televised oath-taking ceremony.
Nasa EDSA kami noong Martes ng gabi, February 25, 1986, nang magsigawan at maglundagan sa sobrang tuwa ang mga tao. Dumating ang balitang nilisan na ng mga Marcos ang Malacañang Palace.
May mga nagpaalaala sa lahat na kumpirmahin muna ang balita bago magdiwang. (Oo, uso na noon ang fake news.)
Nang mapatunayang umalis na nga ang mga Marcos sa Malacañang Palace, naglakad kami mula sa Camp Crame sa EDSA papuntang Maharlika Broadcasting System sa Bohol Avenue.
Ang MBS ang pangalan ng building ng government-owned station Channel 4—ABS-CBN building ngayon—na sinugod at pinasok din ng mga tao.

UNEXPECTED SOUVENIR FROM MALACAÑANG
Nang makita naming masyado nang maraming tao sa gusali ng Channel 4, napagkasunduan naming mga magkakasama na magpunta sa Malacañang Palace.
Mabilis kaming nakarating sa Mendiola bridge. Dahil sa tuwa ng mga jeepney driver sa pag-alis ng mga Marcos, libre ang pamasahe ng lahat ng pasahero nila.
Habang nasa biyahe, ang makakuha ng souvenir, kahit barbed wire man lang, ang naglalaro sa aming isip.
Natupad ito dahil ang mga barbed wire sa barikada sa Mendiola bridge ang pinaghahatian ng mga tao nang dumating kami.
Nakakuha kami ng isang piraso ng barbed wire pero nasugatan ang kamay namin nang marating namin ang Malacañang Palace grounds dahil siksikan ang libu-libong tao.

Mula sa itaas ng Executive House ng Malacañang Palace, nakita namin ang paghahagis ng mga tao ng iba’t ibang mga bagay at kagamitan.
Habang nakatingalang pinapanood ang ginagawa ng mga looters, pumasok sa aming isip na gusto naming magkaroon ng souvenir, bukod sa barbed wire na hawak naming nagdulot ng pangangawit ng kamay dahil, kung hindi namin ito itataas, masusugatan ang aming mga katabi.
Nagulat kami nang biglang bumagsak sa mismong harap namin ang silk pillow na inihagis mula sa Executive House.
Sinubukan itong agawin ng aming katabi. Hindi siya nagtagumpay, pero nasugatan ang aming kanang kamay dahil sa barbed wire na hawak.
Ang silk pillow na dumapo sa aming harapan noong February 26, 1986
"ROSTER OF HEROES"
Dokumentado ng The Philippine STAR ang aming karanasan dahil naglabas sila ng "Roster of Heroes"—mga taong naging bahagi ng EDSA Revolution— para sa unang anibersaryo ng EDSA Revolution noong February 6, 1987.

Kasama sa published report nito ang kuwento ng silk pillow na may pamagat na "A pillow from the palace."
Ito ang bahagi ng artikulong nailathala sa The Philippine STAR tungkol sa silk pillow:
“Jose Sevilla Gabinete of Sta. Cruz, Laguna literally had his heart’s desire thrown on his lap. But he’s willing to give it back; officials at the Malacanang Palace Museum can get in touch with The Philippine STAR for Jose’s address.
"Here is what 'it' is, and how Jose came to get it.
"I was in EDSA from Feb. 22 to 24. On the fateful night of Feb.25, we immediately rushed to Malacanang. On my way, I wishfully thought, 'If I could only have a souvenir from Malacañang, even only a piece of barbed wire.'
"When we arrived at Mendiola bridge, the first thing I did was get a piece of barbed wire. We had a difficult time entering the palace grounds. We stood in front of the Executive House, and from the inside, people were throwing things out the window, and hundreds of people were trying to get them.
"Suddenly, somebody threw a small pillow, and it landed right where I was standing!
"I walked away from the crowd clutching the pillow and my piece of barbed wire. I was a bit embarrassed because people might think I am a looter. But perhaps it was a gift from Somebody up there, for being vigilant during the four days of the revolution, or perhaps it was simply a fulfillment of my wishful thinking.
"Anyway, I’m willing to return it to the government, if they want it back. In the meantime, I am happy sleeping each night with that cream, silk pillow—so full of history!—at my bedside!"

Nasa pag-iingat at pangangalaga pa rin namin ang silk pillow, na isang maliit pero malaking bahagi ng isang importanteng kasaysayan ng ating bansa.
May album kaming naglalaman ng mga larawang personal na kuha namin, gamit ang aming instamatic camera, at newspaper clippings ng mga kaganapan mula February 22 hanggang February 25, 1986.

Makalipas ang tatlumpo’t pitong (37) taon—o magpakailanman— hindi maaaring baguhin ng sinuman ang totoong kuwento ng kasaysayan.
Ikukuwento at ikukuwento naming naroon sa EDSA, noong mga araw ng Pebrero 22-25, 1986, upang malaman ng mga kabataang walang malay sa tunay na nangyari ng pagpapatalsik, sa isang mapayapang pagkakaisa at pag-aalsa, ang isang Presidente at Diktador.