Mali ang mga hulang buntis si Kim Molina sa magiging anak nila ng kanyang boyfriend at live-in partner na si Jerald Napoles.
Pinaghinalaang nagdadalantao si Kim dahil sa identical cryptic social media posts nila ni Jerald noong Lunes ng gabi, February 27, 2023.
Nakalagay rito: "#NEWBLESSING is coming! Abang-abang sa aming mga post!”
May hashtags itong #NewChapter #NewTeam.
Read: Netizens ask: Are Kim Molina, Jerald Napoles expecting baby No. 1?
Napatunayang walang katotohanan ang mga haka-hakang buntis si Kim dahil ngayong Miyeruoles ng gabi, March 1, ipinagtapat nila ni Jerald na may kinalaman ang kanilang cryptic post sa Team A, ang bagong sitcom na sila ang mga bida at mapapanood sa TV5.
“Ito na nga ang ating blessing reveal. Sobrang natuwa kami ni Je kasi… excited din kayo?
"E, lahat naman isine-share namin sa inyo kaya sasabihin na namin ang bagong chapter ng aming buhay! Matagal namin itong hinintay!” nakangiting pambungad na sabi ni Kim sa video reveal nila ni Jerald.
Nagsalita naman si Jerald na parang nagdadalawang-isip pa sila ni Kim dahil hindi nila alam kung paano sasabihin sa publiko ang bagong biyayang kanilang natanggap.
Aniya, “Nagdadalawang-isip pa kami kung paano ba natin sasabihin. Kung paano ba natin sisimulan.
"Pero nakita namin yung mga comments ninyo at saka yung lahat ng likes nyo, pati yung mga nag-repost.
“Maraming-maraming salamat sa inyong lahat dahil interesado kayo sa mangyayari. Very interesting naman talaga dahil espesyal ito sa amin.”
Matapos magsalita, ipinakita nina Kim at Jerald na nasa set sila ng Team A, ang kanilang sitcom na tinawag nilang "fun-serye" at matutunghayan sa TV5 tuwing Sabado simula sa March 18, 9:30 p.m.
Sina Anjo Yllana, Yayo Aguila, at Gene Padilla ang ilan sa mga makakasama nina Kim at Jerald sa Team A na joint production venture ng TV5 at Viva Television.