Pinatunayan ni Eugene Domingo na isinasabuhay at isinasapuso niya ang nakasulat na ito sa Banal na Bibliya (Mateo 6:3-4):
"Kapag gumagawa ka ng mabuti sa mahihirap, huwag mong ipaalam sa kaliwang kamay mo ang ginagawa ng kanang kamay mo, para ang paggawa mo ng mabuti sa mahihirap ay maging lihim. At ang iyong Ama na nakakakita ng lahat ng bagay ang gaganti sa iyo."
Ito ay dahil sa kanyang sagot nang mapag-usapan sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules ng hapon, May 3, 2023, ang pagtulong niya noon sa kapwa aktres na si Dolly de Leon.
“Medyo hindi ko alam kung ano ang reaksiyon ko diyan kasi secret naman yan. Hindi naman yan parang talagang sasabihin mo sa mga tao.
"I don’t think you should talk about it," sabi ni Eugene nang banggitin ni Boy Abunda ang mga rebelasyon ni Dolly nang maging bisita ito sa nabanggit na programa noong April 26, 2023.
Ipinagtapat ni Dolly na tunay na kaibigan ang turing niya kay Eugene dahil sa mga itinulong nito sa kanya noong mga panahong dumaranas siya ng mga pagsubok.
Pagbabahagi ni Dolly, “Si Uge, magkakilala na kami niyan, bata pa kami. Teenagers pa kami, magkasama kami sa UP Theater Arts, barkada na kami niyan.
“And at the time, when I was really going through a hard time, kasi may time na walang-wala na talaga akong pambayad ng kuryente, napatigil yung anak ko ng pag-aaral dahil wala akong pambayad ng tuition.
"But a lot of friends came to support me. Uge is one of them. She paid for my son’s tuition for three years. Three years niyang binayaran yung tuition ng anak ko.
"She never left even if she reached that superstardom level already. She was always a friend. Totoong kaibigan ang tingin ko talaga sa kanya."
Read: Dolly de Leon reveals deep friendship with Eugene Domingo: "She paid for my son’s tuition fee..."
Samantala, hindi na sikreto na kasal na si Eugene sa kanyang Italian husband na si Danilo Bottoni na "my husband" na ang tawag niya.
Dati-rati, "partner" ang pagsasalarawan ni Eugene kay Danilo sa mga nakaraang panayam sa kanya. Pero ngayon, "my husband" na ang pakilala niya kay Danilo dahil ikinasal na sila sa Italy.
Read: Is Eugene Domingo married to Italian partner?
Seryoso ang tono ng boses ni Eugene nang ikuwento nito ang kanyang plano noong pumasok sa kumbento pero biglang dumating si Danilo sa buhay niya.
Hindi ipinagkaila ni Eugene na siya ang gumawa ng paraan na magkakilala sila nang lubusan ni Danilo dahil sa kakaibang naramdaman niya sa kanilang unang pagkakataong pagkikita sa isang film festival sa Italy.
Walang pag-aalinlangang sinabi ni Eugene na magagawa nitong talikuran ang kanyang showbiz career alang-alang sa pagmamahal niya kay Danilo.
“At this point, my goodness, I’m a golden girl. This is the second half of my life.
"I have given the first half to... almost all about me and helping my family.
"And the second part would be for me and Danilo," pahayag ni Eugene sa Fast Talk with Boy Abunda.