Tumungtong si Joshua Garcia sa GMA Network, Inc. sa pangalawang pagkakataon.
Nangyari ito ngayong Huwebes ng hapon, May 25, 2023, dahil siya ang bisita sa showbiz talk show ng GMA-7 na Fast Talk with Boy Abunda.
Mabilis na kumalat ang balitang darating si Joshua kaya inabangan siya ng mga empleyado ng Kapuso Network sa main lobby, at mainit ang naging pagtanggap sa kanya.
Muling yumapak si Joshua sa GMA-7 studio para i-promote ang Unbreak My Heart, ang drama series na pinagbibidahan nila nina Jodi Sta. Maria, Richard Yap, at Gabbi Garcia.
Ang teleseryeng ito ang unang joint project ng GMA-7 at ABS-CBN, kasama ang Viu.
Read: Kapamilya, Kapuso stars unite at 'Unbreak My Heart' special screening
Hindi lamang ang Unbreak My Heart ang pinag-usapan nina Boy Abunda at Joshua dahil kinumusta rin ng Fast Talk host ang relasyon sa kasalukuyan ng aktor sa ex-girlfriend nitong si Julia Barretto.
"Okay kami," sagot ni Joshua.
Kasunod nito ang rebelasyon ni Joshua na si Julia ang gusto niyang makapareha sa isang proyektong inialok sa kanya.
Lahad ng Kapamilya actor, “Sabi ko sa mga bossing namin, kasi parang okay, secret lang natin ito, may project na hinahain sa akin and they can’t find a partner for me.
“And then, unang pumasok sa isip ko na bagay dun sa karakter si Julia.
"Pero yung usapan, hindi ko alam kung anong nangyayari, pero sana, payagan ng management si Julia."
Umaasa si Joshua na muli niyang makatrabaho ang dating karelasyon.
Noong nag-uumpisa pa lamang ang showbiz career ni Joshua, "the next John Lloyd Cruz" ang tawag sa kanya dahil madalas siyang ikinukumpara sa aktor na sinasabing kahawig niya, sa kilos, pananalita, at hitsura.
Nang itanong ni Boy ang reaksiyon ni Joshua tungkol sa mga nakukuha nitong pagkukumpara sa kanya kay John Lloyd, sinabi ng 25-year-old actor na nagkaroon ng mga pagbabago matapos ang coronavirus pandemic.
Aniya, “Before, palagi. Pero after pandemic, nag-Viral Scandal na ako, nag-Darna na ako, hindi ko na siya masyadong nakukuha.
"And mabuti siya para sa akin kasi mas gugustuhin ko…
“I am honored na matawag bilang 'John Lloyd Cruz,' nakatulong din siya sa karera ko na tinatawag.
"Pero siyempre ako, nandoon ako sa gusto ko nang improvement. May sarili ako [na identity]."
Pero hindi umano nila napag-uusapan ni John Lloyd ang naturang isyu.
“Kapag nagkikita kami, kumustahan lang. I think yung last na nagkasama kami, sa Bacolod, mall show. Nandoon si Bea [Alonzo], nandoon si Julia. Apat kami.
"Kumakanta lang kami, parang mga simpleng tao lang kami. May videoke kasi doon, kumakanta lang kami,” pagbabahagi ni Joshua tungkol sa huling pagkakataong nagkita sila ni John Lloyd.