Gamit ang kanyang social media accounts, "Justice for Roy," "Justice for Menudo," at "Edgardo Diaz Preso" ang mga panawagan ngayon ni Roy Roselló.
Si Roy ay dating miyembro ng Menudo, ang Puerto Rican boy band na naging popular nang husto noong dekada '80.
Ilan sa kanilang pinasikat na kanta ay "If You’re Not Here (By My Side)," "Like A Cannonball," "Please Be Good To Me," at "Explosion."
Sina Roy, Charlie Masso, Robi Rosa, Ruben Gomez, at Ricky Martin ang ilan sa mga dating miyembro ng Menudo na maraming beses nang nakapagtanghal sa Pilipinas noong kasikatan ng kanilang grupo.

Menudo members (standing, from left) Charlie Masso, Ricky Martin, Roy Rosello, and Ray Reyes; (seated) Robi Rosa
Fifty-two years old na ngayon si Roy. Isa na siyang Christian pastor at gospel singer at permanente nang naninirahan sa Brazil.
Umingay ang kanyang pangalan noong October 2014 dahil sa rebelasyon niya sa isang Brazilian show na biktima siya at ang ibang mga kabataang miyembro ng Menudo ng seksuwal na pang-aabuso ni Edgardo Diaz.
Si Diaz ang music producer, songwriter, at nagtatag ng sikat na Puerto Rican boy band.
Read: Former Menudo member Ray Reyes dies at 51

Edgardo Diaz
"At the last party I went to, Edgar [Diaz] made Ricky [Martin] dress up as a woman.
"There I entered and left running. I called Robi [Draco Rosa], who came and punched him while I left running. I got to the street, and I was praying for a car to run me over,” bahagi ng pagtatapat ni Roy sa Brazilian television show na Domingo Espectacular.
Naging miyembro ng Menudo si Roy mula 1983 hanggang 1986.

Young Roy Rossello
Kung pagbabasehan ang kanyang mga pahayag, biktima na siya ng seksuwal na pang-aabuso ni Diaz nang magtanghal sa Pilipinas ang kanilang grupo noong 1985.
Bukod kay Roy, lumantad din ang mga dating miyembro ng Menudo na sina Ralphy Rodriguez, Rene Farrait, at Gabriel Fernandez para isiwalat ang pang-aabuso na naranasan nila sa mga kamay ni Diaz, na matindi ang pagtanggi noon sa mga alegasyon laban sa kanya.
MENENDEZ BROTHERS MURDER CASE
Noong May 2, 2023, nag-umpisa ang kriminal na imbestigasyon ng Los Angeles Police Department kay Diaz dahil sa mga ipinagtapat ni Roy sa Menendez + Menudo: Boys Betrayed, ang documentary series na may tatlong kabanata at nagsimulang ipalabas sa Peacock noong May 2, 2023.
Ang Peacock ang streaming site ng NBCUniversal.
Ibinulgar ni Roy sa naturang documentary series na biktima siya ng seksuwal na pang-aabuso ni José Menéndez, ang chief operating officer ng RCA Records.
Si Menéndez ang tumulong para mabigyan ng kontrata ang Duran Duran, The Eurythmics, at ang Menudo—mga bandang sumikat noong dekada ’80—sa RCA Records.
Isiniwalat ni Roy na dinala siya noon ni Diaz sa tahanan ni Menéndez sa New Jersey. Dito raw siya pinagamit ng droga at ginahasa ng COO ng RCA Records.
“This guy—that’s the pedophile,” sabi ni Roy nang ituro nito si Menéndez na kasama ng mga miyembro ng Menudo sa larawan nang pumirma sila ng kontrata sa RCA noong 1983.

José Menéndez (extreme left) with Menudo members and Edgardo Diaz (with sunglasses) during the Puerto Rican boy band's contract signing with RCA Records in 1983
Ang nakagugulat na rebelasyon ni Roy makaraan ang apat na dekada ang nagbigay ng pag-asa sa mga tagapagtanggol o abogado ng magkapatid na Lyle at Erik, ang mga anak ni Menéndez at ng asawa nitong si Kitty.

Erik (left) and Lyle (right) Menéndez
Malaking balita sa Amerika noong Agosto 20, 1989 ang pagpaslang sa mag-asawang Menéndez na kapwa pinatay sa pamamagitan ng baril sa kanilang tahanan sa Beverly Hills, California.

Umiiyak na tumawag at humingi ng tulong sa 911 sina Lyle (21 years old) at Erik (18) dahil nadatnan nila ang duguan at walang buhay na mga magulang sa kanilang tahanan.
Pero lumitaw ang katotohanang sina Lyle at Erik ang pumatay sa kanilang mga magulang dahil hindi na nila masikmura ang paulit-ulit na emosyunal at seksuwal na pang-aabuso ng kanilang ama mula noong mga maliliit pa silang mga bata.

Tinutukan ng buong mundo ang pagdinig ng korte sa kaso nina Lyle at Erik.
Nanlumo ang marami sa detalyadong testimonya ng magkapatid tungkol sa pananakit at paulit-ulit na sexual abuse sa kanila ng sariling ama.
Nanindigan sina Lyle at Erik na pagtatanggol sa sarili ang kanilang pagpaslang sa ama at ina nila.
Noong Marso 1996, nahatulan sina Lyle at Erik ng habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa first-degree murder at conspiracy to commit murder.
Fifty-five years old na ngayon si Lyle at 52 naman si Erik. Kapwa silang nakakulong sa RJ Donovan Correctional Facility sa San Diego, California.

Malabong mabigyan sila ng parole sa kabila ng maraming apela sa korte ng kanilang mga abogado, pero nabigyan sila ng pag-asa na maaaring mabuksan ang kaso nila dahil sa bagong rebelasyon ni Roy sa documentary series.
Sinabi ni Erik sa Menendez + Menudo: Boys Betrayed na noong bata pa siya, naalaala niyang nagpupunta si Roy sa bahay nila, kasama ang kanyang ama.
"My dad was one of the guys that was choosing and selecting the new members of the group. I remember specifically taking one of the kids and going off and saying he wanted to talk to him alone and they went off into the house upstairs,” salaysay ni Erik sa kontrobersiyal at pinag-uusapang documentary series.
Umaasa ang mga sumusubaybay sa kaso at sa mga nakikisimpatiya kina Lyle at Erik na makatutulong ang testimonya ni Roy para makamit nila ang pinakamimithing kalayaan. Hanggang ngayon, kahit nasa kabilang buhay na ang kanilang ama, nagdurusa pa rin ang magkapatid sa kabila ng katotohanang sila ang mga biktima ng pang-aabuso mula sa pagiging mga paslit na bata na walang kalaban-laban.
Labing-apat na taon ang edad ni Roy nang una siya bumisita sa Pilipinas para sa concert ng Menudo sa Araneta Coliseum noong 1985.
Lumabas din ang Menudo sa mga television show na The Big Big Show at Eat Bulaga! para i-promote ang kanilang mga kanta.
Ang popularidad ng Menudo sa Pilipinas ang dahilan kaya nagkaroon ng "Menudo Mania.
Noong 1987, ginawa ang awiting “I’m Going Back to the Philippines” bilang pasasalamat nila sa mainit na pagtanggap sa kanila ng mga Pilipino.