Hanggang June 30, 2023 na lamang ang kontrata ng It’s Showtime sa TV5.
Maaaring ito ang dahilan kaya may mga kumakalat na balitang malapit nang mapanood ang naturang programa sa GTV o Good Television, ang free-to-air TV station na pag-aari ng GMA Network.
Kung ang mga host at production staff ng It’s Showtime ang tatanungin, wala silang maisasagot dahil hindi nila alam ang mga susunod na mangyayari sa kanilang noontime program na patuloy na mapapanood sa Kapamilya Channel at A2Z.
“Naghihintay rin kami sa mga susunod na magaganap,” pahayag ng isa sa mga tauhan ng It’s Showtime na nakausap ng Cabinet Files.
Biglang nagbago ang landscape sa telebisyon ng mga noontime variety show dahil sa pagpapaalam nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at ng Dabarkads mula sa TAPE Inc., ang producer ng Eat Bulaga!, noong May 31, 2023.
Read: Tito Sotto, Vic Sotto, and Joey de Leon bid goodbye to TAPE, 'Eat Bulaga!' viewers
Isa sa mga apektado nito ang It’s Showtime, na napapanood mula Lunes hanggang Sabado sa TV5, dahil ang bagong noontime program ng original hosts ng Eat Bulaga! ang ilalagay sa timeslot nila.
Read: TVJ noontime show sa TV5, 'Eat Bulaga!' rin ang title; It's Showtime, mawawala sa TV5 noontime slot
Ang noontime slot ng TV5 ay dating okupado ng Lunch Out Loud hanggang mangyari noong July 2022 ang partnership sa pagitan ng Kapatid Network at ng ABS-CBN.
Inilipat sa late morning timeslot ang LOL at binigyan ng bagong pamagat na Tropang LOL.
Nagsimula ang simulcast ng programa sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5 mula July 16, 2022 hanggang April 29, 2023.
Read: It's Showtime, balik-alas dose matapos magpaalam sa ere ang Tropang LOL
Ang TikToClock, ang variety show ng GMA-7 na nag-umpisang mapanood noong July 25, 2022, ang naging karibal na programa ng Tropang LOL.
Si Billy Crawford ang isa sa mga pioneer host ng Tropang LOL, pero isang linggo siyang mapapanood bilang co-host ng TikToClock dahil kabilang siya sa mga coach ng The Voice Generations, ang singing competition ng Kapuso Network na ipinu-promote niya sa kasalukuyan.