Isang buwan matapos manalo bilang Mister Teen International 2023 sa Bangkok, Thailand noong June 1, muling bumalik sa naturang bansa si Robert Douglas Walcher IV dahil inimbitahan siya na maging modelo sa Thailand Fashion Week.

Kasama ang kanyang mga magulang at kapatid, lumipad si Robert sa Bangkok noong June 29 para sa Autumn-Winters Couture/Homme/Femme/ Avante-Garde show ng Thailand Fashion Week na idinaos noong Biyernes ng gabi, June 30 sa Varavels Khet Bungkum.

“It was great experience working in the runway with different ethnicity of models from other countries. I’m very proud wearing the creation of Don Cristobal because it has a touch of Western and Asian fabric design.

“I am happy to promote the Filipino fashion designers,” pahayag ni Robert na nagpapasalamat sa Filipino fashion designer na si Don Cristobal dahil naging bahagi siya ng Thailand Fashion Week. Ikinatuwa rin niya na magkasama sila ng kanyang nakababatang kapatid na si Ryan sa pagrampa sa ginanap na fashion show.

Kahit noong hindi pa napapanalunan ni Robert ang Mister Teen International title, nakatatanggap na siya ng mga alok para maging artista pero pinili niya ang Viva Artists Agency para mamahala sa kanyang showbiz career.
Nakatakda sa susunod na linggo ang pagpirma ni Robert ng kontrata sa talent management agency na namamahala rin sa acting career ng kanyang nanay na si Patricia Javier.
Binibiro ngayon na stage mother si Patricia dahil sa pag-aalaga at pagbabantay na ginagawa nito sa panganay na anak nila ng American chiropractor na si Dr. Rob Walcher.
Sa sandaling pamamalagi nila sa Bangkok, naisingit ni Patricia na maipasyal ang kanyang pamilya sa floating market, elephant at crocodile farm sa Samphran, Thailand bago sila bumalik sa Pilipinas ngayong Sabado ng gabi, July 1.


Sinamantala ni Patricia ang pagkakataon dahil naging abala ito sa paghahanda sa Mister Teen International 2023 kaya hindi sila nakapamasyal ng kanyang anak sa unang biyahe nila sa Bangkok noong nakaraang buwan.
“We had a great time.We went to the floating market and elephant farm. Tuwang-tuwa ang mga anak ko at saka, masasarap ang mga food,” kuwento ni Patricia nang makausap siya ng Cabinet Files ilang minuto bago sila sumakay ng kanyang pamilya sa eroplano na maghahatid sa kanila pabalik sa Pilipinas ngayong Sabado ng gabi.
READ: Robert Douglas Walcher IV, Patricia Javier’s son, wins Mister Teen International 2023
READ: Anak ni Patricia Javier, kinatawan ng Pilipinas sa Mister Teen International 2023