Paulit-ulit humingi ng paumanhin si Ai-Ai delas Alas kay Len Carrillo ng 3:16 Events and Talent Management, ang producer ng Litrato, dahil hindi siya nakauwi ng Pilipinas para sa face-to- face press conference ng kanyang pelikulang ipalalabas sa mga sinehan sa July 26, 2023.
Nag-apologize din si Ai-Ai sa mga miyembro ng entertainment press na dumalo sa media conference ng Litrato nitong Martes ng umaga, July 4, 2023.
“Nag-beg off na ako na makauwi dahil hindi na rin nakayanan ng katawan ang sobrang pabalik-balik sa Amerika at Pilipinas," umpisang paliwanag ni Ai-Ai na nakausap ng mga reporter sa pamamagitan ng Zoom habang nasa San Francisco, California siya.
“Nagkasakit na ako nang konti sa sobrang stress. Parang nabugbog na ako sa jetlag at saka sa biyahe.
“Yung last biyahe ko, e, hindi masyadong maganda yung nangyari. Thirty hours ako na nagbiyahe tapos hinding-hindi yon ang dahilan."
Pagkatapos nito ay ibinahagi ni Ai-Ai ang kanyang pagkakaroon ng myokomia o eye twitching, kung saan hindi nakokontrol ang paggalaw ng talukap ng mata o eyelid. Ang kadalasang dahilan nito ay stress.
Saad ng Kapuso star, “Yung mata ko, nagti-twitch. Dati mata ko lang, ngayon kasama na yung lids. Sa stress at sa puyat siguro, sa jetlag na sobra-sobra.
"Pati yung right eyelid ko, naapektuhan na rin so pinapagaling ko muna, pero okay na ako ngayon.
“Thank you so much na nandiyan kayong lahat and thank you sa support ninyo.”
Kaugnay nito, sumailalim si Ai-Ai sa botox treatment para makontrol ang pagkurap ng talukap ng kanyang mga mata.
Lola na may Alzheimer's disease ang karakter na ginagampanan ni Ai-Ai sa Litrato. Puring-puri ng co-stars niyang sina Liza Lorena, Quinn Carrillo, at Ara Mina ang kanyang pagganap.
Read: Ai-Ai delas Alas, gaganap bilang lolang may Alzheimer's sa pelikulang "Litrato"
Nagtatrabaho si Ai-Ai bilang activity director ng isang facility para sa senior citizens sa San Francisco. Ipinagtapat ni Ai-Ai na isang pasyente ng kanilang pasilidad ang naging inspirasyon niya para sa kanyang role sa pelikula.
“Kinopya ko ang pag-iyak niya,” sabi ni Ai-Ai.
Read: Ai-Ai delas Alas, ibinunyag ang "secret life" niya sa Amerika
Nagpasalamat ang aktres sa Litrato director na si Louie Ignacio dahil sa paggabay sa kanya para mabigyan niya ng hustisya ang ginampanan na karakter.
Dahil sa pamagat ng pelikula na pinagbibidahan ni Ai-Ai, tinanong siya tungkol sa mga litratong importante sa kanya at sa mga larawang itinapon niya.
“Actually, hindi ako yung nagtapon. Noong araw, yung mga publicity namin ni Miguel [Vera, her ex-husband]. Marami akong mga picture at write-ups noon.
“Ang nanay ko ang nagtapon para hindi raw mabasa ng mga anak ko kung ano yung nangyari sa buhay ko.
“Yung mga picture ko na buntis ako, yun ang favorites ko. Talagang makikita mo yung bata na nasa loob mo tapos makikita mo ang tiyan mo tapos darating ang panahon na wala na yung bata, nagiging maliliit tapos nagiging matanda na sila. Yun ang classic sa akin.”
Read: Ai-Ai delas Alas recalls away-bati moments with ex-husband Miguel Vera