Nakita ang pagkakaiba ni Nova Villa kay Janice Jurado dahil sa interbyu sa veteran actress sa Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes ng hapon, Agosto 31, 2023.
Hindi sumagot si Nova nang tanungin kung totoong niligawan siya noon ni Fernando Poe Jr.
Walang itinanggi at lalong walang inamin si Nova.
Imbes na magsalita, isang makahulugang reaksiyon ng mukha ang kanyang pinakawalan—isang paraan ng pagpapaubaya niya sa publiko na mag-isip sa tumpak na kasagutan.
Read: Nova Villa demystifies urban legend that she has a kid by the late FPJ
Ibang-iba ito sa detalyadong pahayag ni Janice tungkol sa nakaraan nila ni FPJ nang makausap siya ng entertainment writers sa isang media conference noong July 2023.
Ang ipinamalas na asal ni Nova ang isa sa mga sikreto niya kaya iginagalang siya ng mga tao mula nang mag-umpisa ang kanyang acting career noong 1965 hanggang sa kasalukuyan.
HOW NOVA WAS DISCOVERED BY FPJ
Si FPJ ang itinuturing na discoverer ni Nova nang magkita sila sa Premiere Productions compound noong 1965.
Kalaro ni Nova ang mga anak ng magaling na comedienne na si Chichay (January 21, 1918 – March 31, 1993).
Si Chichay ang nagsama kay Nova sa Premiere Productions na naging instrumento para matupad ang pangarap niyang makapasok sa industriya ng pelikula.
Kuwento ni Nova kay Boy Abunda, “Kapitbahay namin siya [Chichay] sa Sampaloc at kalaro ko ang mga anak niya.
"Tapos sabi niya, she calls me Lita, kasi Novelita, ‘Samahan mo ako sa Premiere Productions.’
“Wala akong kamuwang-muwang sa mga ganoon, sa mga studio.
“So, nag-taxi lang kami. Tapos pagdating sa Premiere, bumukas ang malaking gate.
"Sabi niya, ‘Diyan ka muna sa canteen at may pupuntahan lang ako.’
“Umupo lang ako doon. Walang tao sa canteen, yung lang cook.
"Pero kitang-kita ko ang gate ng Premiere. Kada may pumapasok, sumisilip ako kasi baka mamaya artista.
“Mamaya may pumasok, Cadillac, puti. Ang haba ng Cadillac, ang ganda ng kotse!
"Nagkatitigan kaming dalawa [ng driver]. Ang guwapo, super!
“Ako yung napahiya nang titigan niya ako, pero patay-mali [malisya] ako. Matagal, tapos umandar na siya.
“Then suddenly, isang lalake, dumarating. He’s the production manager of Fernando Poe Jr., si Mr. Ben Esteva.
“Sabi niya, ‘Ne, sino yung kasama mo?’
"'Si Aling Chichay po.'
"'Gusto mong mag-artista?’
"'Opo,' dahil umaakting-akting na ako sa harap ng salamin.
"Sa komiks, mine-memorize ko yung mga dialogue sa Pilipino Komiks.
“Agad-agad, sabi niya, 'Magsu-shooting ka na bukas.'”
Ang driver ng Cadillac na nakatitigan ni Nova ay walang iba kundi si FPJ.
Natatandaan ni Nova na binigyan siya ng PHP200 para pambili ng costume sa Quiapo na gagamitin sa shooting ng kanyang unang pelikula na pinagbibidahan ni FPJ, at PHP1,000 ang talent fee na tinanggap niya.

Hindi malilimutan ni Nova na pumutok ang Taal Volcano sa unang araw ng kanyang shooting para sa pelikula ni FPJ, ang Daniel Barrion.
Mula sa kanilang kinaroroonan, kitang-kita nila ang pagsabog ng bulkan noong September 28 hanggang September 30, 1965.
Kuwento niya, “Ang shooting namin sa La Mesa Dam, Novaliches.
"Noon wala pang matataas na puno, kitang-kita mo ang Tagaytay na kumikidlat, malaking usok, pumuputok pala ang bulkan.
“Magmula Day 1 hanggang matapos ang pelikula, lahat ako Take 1. Ang nag-discover sa akin si FPJ.”

Kamakailan lamang, may magandang nangyari sa buhay ni Nova na ipinagpapasalamat nito nang sobra sa Panginoong Diyos.
Pero hindi siya nagkuwento dahil sa malaking pagpapahalaga sa kanyang personal na buhay.
Kung sakaling magpasya si Nova na ibahagi sa publiko ang kuwento tungkol sa “missing puzzle” na natagpuan niya at bumuo sa kanyang pagkatao, tiyak na magsisilbi itong inspirasyon sa lahat dahil kapupulutan ng aral at parang isang pelikulang sagana sa drama na kagigiliwang panoorin.