PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Elvie Vergara vs Ex-Employers in Senate

Mga dating amo ni Elvie Vergara, maaaring makulong nang habambuhay.
by Jojo Gabinete
Published Sep 7, 2023
elvie vergara france pablo ruiz
Sa ginanap na Senate hearing noong September 5, 2023, nangtuwiran ang mag-asawang France at Pablo Ruiz (kaliwa) na tamad maligo at palaging nagkakamot ang dati nilang kasambahay na si Elvie Vergara (kanan) kaya nabulag at nasira ang mukha nito.
PHOTO/S: Screen grab from TV Patrol

Trigger warning: Violence

Tamad maligo ang paliwanag ni France Ruiz kaya nabulag ang mga mata at nasira ang mukha ng kasambahay na si Silvera “Elvie” Vergara.

“Tamad po siyang [Elvie] maligo. Minsan inaabot siya ng tatlo, apat na araw bago maligo.

"Yung mga sugat-sugat na po niya na yan, nakakamot po niya,” depensa ni France nang ipatawag siya ng Senate Justice and Human Rights Committee para sa paghaharap nila ni Elvie noong Martes, Setyembre 5, 2023.

Si France at ang kanyang asawang si Pablo, aka Jerry Ruiz, ng Mamburao, Occidental Mindoro, ang mga amo ni Elvie.

Namasukan si Elvie bilang kasambahay sa mag-asawang Ruiz mula 2020 hanggang 2023. Nakaranas siya ng pisikal at emosyunal na pang-aabuso na naging dahilan para mabulag siya, lumubog ang pisngi, at mabali ang ilong.

Hindi lamang sina France at Jerry ang mga inakusahan ni Elvie ng pananakit dahil inireklamo rin niya ang dalawang anak ng mag-asawa—sina Jerlyn, 18 at Jerome, 16.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Read: Two househelps accuse Maricel Soriano of maltreatment; actress remains mum

Sa pangunguna ni Senator Francis Tolentino, ang chair ng Justice and Human Rights Committee, iniimbestigahan ng Senado ang kalupitang dinanas ng 44-year-old na kasambahay mula sa mga kamay nina France at Jerry.

MALTREATMENT FROM HER EMPLOYERS

Nabunyag ang hindi makataong pagmamaltrato kay Elvie dahil kumalat sa online noong nakaraang buwan ang kuwento at larawan ng kanyang mapait na karanasan.

“Yung kanan ko sa ulo inuntog nila ako sa CR, sa pader. Dumudugo po [ang ulo ko] pag ako ay inuuntog nila ako sa CR.

"Yung amo ko pong babae, pag mainit po ang ulo, hinihila po ako.

"Minsan po itong ulo ko sa kaliwa, inuuntog ako sa lababo. Sinusuntok po ako... yun pong amo kong babae,” nakapangingilabot na testimonya ni Elvie sa Senado tungkol sa mga paulit-ulit na pananakit sa kanya ni France sa loob ng tatlong taon.

Lahad pa niya, “Minsan tinatadyakan, hinahagis sa sahig saka binabato ng lamesa. Tinamaan nga po ako sa mukha.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Yung dalawang anak, hinahampas po ako ng hanger. Sinuntok ako sa tagiliran ni Jerome.

“Pag nakasigaw ako, sinasaway ako huwag daw ako maingay. Hinampas-hampas nila ako. Huwag daw akong sisigaw.

“Pag nagsasabi po [ako na masakit], tuluy-tuloy nila akong sinasaktan.”

Read: Nina refutes maltreatment allegation of former personal assistant

Dumalo sa pagdinig sa kaso ni Elvie ang mga doktor na sumuri sa kalusugan ng biktima.

Sila ang nagpakita ng resulta ng medical tests, may lamat sa bungo, dislocated nose bridge, sunken cheek, at severely damaged eyes ang kaawa-awang kasambahay na dumanas ng matinding trauma.

RUIZ COUPLE MIGHT FACE LIFETIME IMPRISONMENT

Sa kabila ng mga matitibay na ebidensiya ng pananakit, mariin ang pagtanggi nina France at Pablo na paulit-ulit nilang sinaktan si Vergara.

Pero nahaharap pa rin sila sa mga kasong serious physical injuries, illegal detention, at paglabag sa Republic Act (RA) 10361 o Batas Kasambahay na nakasampa sa Office of the City Prosecutor ng Batangas City.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Kabilang si Senator Jinggoy Estrada sa mga nagtanong sa mga akusado sa naganap na Senate inquiry.

Tulad ng karamihan, hindi siya makapaniwala sa katuwiran ni France na nasira ang mukha ni Vergara dahil sa hindi paliligo at pagkakamot.

“Ibig mong sabihin yung pagkabulag niya na nakita niyo sa X-ray, yung kanyang bungo, deformed na yung kanyang ilong dahil sa pagkakamot niya?” tanong ni Estrada.

Babala pa niya sa mga dating amo ni Elvie, “I am warning you. I’m warning both of you dahil kapag oras na napatunayan namin na kayong dalawa nagsisinungaling, ipakukulong namin kayo.

“Yung dalawang amo, yung mag-asawa noong araw na namalantsa ng mukha ni Bonita Baran, nasentensiyahan yon, reclusion perpetua. Nakakulong habambuhay sa Muntinlupa.

“Kapag kayo nagsinungaling dito, ganoon din ang mapupuntahan ninyo at seryoso ako rito. Seryosong-seryoso ako sa kasong ito.

“Nagkaroon ng Batas Kasambahay dahil kay Bonita Baran. Dahil sa pagmamalabis at pagmamaltrato sa kasambahay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Huwag kayong magsinungaling. I am warning you guys, both of you.

"Kahit magagaling ang mga abogado mo pero kapag nagsisinungaling kayong dalawa, ipakukulong ko kayo. Maniwala kayo."

Apat na abogado ang kasama ng mag-asawang Ruiz sa pagdinig sa Senado.

Si Estrada ang principal author ng Domestic Workers Act o Kasambahay Law (Republic Act 10361) na nangangalaga sa proteksiyon at karapatan ng mga domestic helper o kasambahay.

Si Bonita Baran ang kasambahay na nabulag ang mga mata, nabasag ang mga tenga, at nasira ang mukha dahil sa pananakit ng kanyang mga amo na sina Reynold at Anna Liza Marzan, mula Hunyo 2009 hanggang Mayo 2012.

Naging ganap na batas noong 2013 ang panukalang batas na inihain niya dahil sa kaso ni Baran na isinadula ng Magpakailanman ng GMA-7 noong June 2019.

Habambuhay na pagkakakulong ang hatol ng korte sa mag-asawang Marzan.

Sa kasalukuyan, nakakulong si Reynold sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City samantalang habang nakapiit, binawian ng buhay si Anna Liza noong June 20, 2020.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Read: Minaltratong kasambahay na si Bonita Baran, nakamit na ang hustisya laban sa malulupit na mga amo

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Sa ginanap na Senate hearing noong September 5, 2023, nangtuwiran ang mag-asawang France at Pablo Ruiz (kaliwa) na tamad maligo at palaging nagkakamot ang dati nilang kasambahay na si Elvie Vergara (kanan) kaya nabulag at nasira ang mukha nito.
PHOTO/S: Screen grab from TV Patrol
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results