Hindi matutuloy sa Enero 8, 2023 ang pagbubukas sa mga sinehan ng My ZomBabe, ang pelikula ng Viva Films na pinagbibidahan nina Kim Molina at Empoy Marquez.
Ito ay dahil extended hanggang sa Enero 9, 2023 ang pagpapalabas sa mga pelikulang opisyal na kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Nag-umpisa noong Disyembre 25, 2023 ang annual film festival at nakatakda itong matapos sa Enero 7, 2023.
Ang mainit na pagtangkilik ng publiko sa mga pelikula na kasali sa 49th MMFF ang dahilan kaya iniurong sa darating na Miyerkules, Enero 10, 2024, ang playdate ng My ZomBabe.
Read: MMFF 2023 umabot na sa PHP700M ang total gross
Si Bobby Bonifacio Jr. ang direktor ng My ZomBabe. Ito pa lamang ang pangalawang pelikula niyang ipalalabas sa mga sinehan dahil para sa Vivamax ang karamihan sa kanyang mga proyekto.
Si Bobby ang sumulat ng kuwento at direktor ng Hellcome Home, ang suspense- thriller movie ng Star Cinema na pinangunahan ni Dennis Trillo at napanood sa mga sinehan noong Oktubre 30, 2019.
May pananabik na nararamdaman si Bobby sa theatrical release ng My ZomBabe sa Enero 10 dahil ngayon lamang siya nagkaroon ng proyekto sa Viva Films na ipalalabas sa mga sinehan.
“I am very excited na may lalabas ako sa sinehan. This would be my second cinematic release,” pahayag ni Bobby.
“Parang finally lalabas na dahil, sa totoo po, itong My ZomBabe ay unang project na pinitch ko sa Viva noong 2018. And then, ang dami pong nangyari.
“May mga inayos po sa materyal, and then noong isu-shoot na po, biglang umabot sa coronavirus pandemic.
“Pero blessing in disguise dahil naayos pa namin yung script to fit current situations and all.
"Finally, after almost five years, ito na po yung resulta," karagdagang impormasyon ni Bobby tungkol sa My ZomBabe.
Bakit sina Kim at Empoy ang kinuhang mga bida ng kanyang proyekto?
Sagot ni Bobby, “Yung role po ni Kim, marami rin po akong pinagdaanan na discussions kung sino ang magandang maging partner ni Empoy.
“Nung sinabi na si Kim Molina, naging excited po kami dahil alam namin na marami pa siyang maibibigay na bago sa materyal which, true enough, pagdating sa set, ang daming additional input at kuda ni Kim Molina para mapaganda pa yung kuwento.
“Si Empoy, talagang pang-Empoy na po talaga yung karakter sa My ZomBabe kaya masaya po ako.
"Nag-agree agad ang Viva na para kay Empoy talaga yung project at laking pasasalamat ko dahil tinanggap ni Empoy.”