Kahit bilyonaryo si former Senate President Juan Ponce Enrile, makakatanggap pa rin siya ng isangdaang libong piso (P100,000) mula sa pamahalaan dahil ipagdiriwang niya ang ika-100 kaarawan sa darating na Miyerkules, Pebrero 14, 2024, ang Araw ng mga Puso.
READ: Juan Ponce Enrile mistulang Cardo Dalisay sa mundo ng pulitika
Ang ibibigay na benepisyo para kay Enrile ay saklaw ng Republic Act 10868 na higit na kilala bilang Centenarian Act of 2016 na nagkakaloob ng P100,000 sa mga Pilipino na umaabot sa edad na isangdaan.
Manggagaling ang pera mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD Centenarian Program at bukod sa salapi, tatanggap si Enrile ng Plaque of Recognition at Letter of Felicitation na pirmado ng pangulo ng bansa.
Kabilang na rin si Enrile sa mga pararangalan sa National Respect for Centenarians Day na ipinagdiriwang tuwing unang Linggo ng buwan ng Oktubre.
Ang National Respect for Centenarians Day ang pagpapahalaga at parangal para sa mga centenarian dahil sa pagkakaroon nila ng mahabang buhay.
Isinilang si Enrile noong Pebrero 24, 1924 sa Gonzaga, Cagayan. Nakilala siya nang maglingkod sa pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ng namayapang pangulo na si Ferdinand Marcos Sr.
Makulay at kontrobersyal ang buhay ni Enrile sa panahon ng paglilingkod niya sa iba’t ibang mga administrasyon hanggang mahalal siyang kongresista at senador.
Naging popular naman si Enrile sa mga kabataan dahil sa mga meme tungkol sa pagkakaroon niya ng mahabang buhay at matalas na pag-iisip.
Kung ang mga meme tungkol kay Jose Mari Chan ang palasak kapag sumasapit ang Setyembre 1, ang Enrile memes ang popular tuwing Pebrero 14.
Mahirap makalimutan ang petsa ng kapanganakan ni Enrile, ang Araw ng mga Puso, na isang importanteng okasyon para sa hopeless romantic Filipinos.
Siguradong-sigurado na ang papalapit na pagdiriwang ni Enrile ng ika-100 na kaarawan ang magiging dahilan para muling lumitaw ang mga meme tungkol sa kanya.
READ: Anak ni Juan Ponce Enrile, hindi natuwa sa kumakalat na meme tungkol sa dating senador
READ: Anak ni Juan Ponce Enrile, pinagtatawanan ang memes tungkol sa ama ngayong Valentine's Day