Ang Season 11 ng Regal Studio Presents at ang mga pelikulang nakalinyang gawin ng Regal Entertainment, Inc. ang pruwebang patuloy ang pagiging aktibo ng entertainment company na itinatag ni Mother Lily Monteverde noong Agosto 19, 1962.
Ang celebrity vlogger chef na si Ninong Ry at ang award-winning child actor na si Euwenn Mikaell ang mga bida sa unang kabanata ng Season 11 ng Regal Studio Presents, na napapanood tuwing Linggo nang hapon sa GMA-7.
Magsisimula ito sa Marso 17, 2024.
Read: Roselle Monteverde, wagi ang pagsali kay Ninong Ry sa Shake, Rattle and Roll Extreme
Ang mataas na ratings ng Regal Studio Presents dahil sa walang sawang pagtangkilik ng manonood ang isang dahilan kaya nagpapatuloy ang weekly drama anthology na ibinalik sa telebisyon sa panahon ng pandemya noong Setyembre 20, 2021.
Sa Abril 2024, babalik sa Pilipinas si Lovi Poe mula sa Amerika dahil mag-uumpisa na ang shooting niya para sa Guilty Pleasure, ang pelikulang bagong proyekto ng Regal.
Isang sexy drama movie ang Guilty Pleasure. Leading men ni Lovi rito sina Rob Gomez at Jameson Blake. Si Connie Macatuno ang direktor ng pelikula.
Uunahin ni Lovi na gawin ang Guilty Pleasure at susundan ito ng Untamed, ang action movie mula sa direksiyon ni Richard Somes.
Inilabas na ng Regal ang teaser ng Untamed na maaksiyon, madugo, at malalaki ang mga eksena, kaya tatapusin muna ni Lovi ang shooting nito para sa Guilty Pleasure.
Si RK Bagatsing ang kapareha ni Lovi sa Untamed.
Read: Confirmed: Lovi Poe joins cast of Hollywood indie film Bad Man
Unang napanood ang teaser ng Untamed noong Nobyembre 2023 sa red-carpet premiere ng Shake, Rattle & Roll Extreme.
Magsisimula naman ang R-18 version global streaming ng SRR Extreme sa Netflix bukas, Marso 1.
Dahil sa tagumpay sa takilya ng Shake, Rattle & Roll Extreme noong nakaraang taon, muling gagawa ang Regal ng isang horror movie, ang Untold.
Proyekto ng Mallari director na si Derrick Cabrido ang Untold, na pangungunahan ng isang award-winning actress, kasama sina Barbie Imperial at JK Labajo.