Siyamnapu’t pito (97) na mga tauhan sa produksiyon ng Tahanang Pinakamasaya at 33 mga empleyado ng TAPE, Inc. ang nakatakdang mawalan ng trabaho dahil sa pamamaalam sa telebisyon ng noontime variety show na napapanood sa GMA-7.
Ang TAPE ang producer ng Tahanang Pinakamasaya.
Read: Tahanang Pinakamasaya, wala na sa Facebook; tuluyan nang sisibakin sa ere?
Ang mga empleyado ng TAPE ang naiwan ng Eat Bulaga! pioneer hosts na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon nang magdesisyon ang tatlong kumalas mula sa naturang kompanya at ilipat ang kanilang noontime show sa TV5.
Isinama nila ang production staff na kanilang pinili.
Read: Tito Sotto, Vic Sotto, and Joey de Leon bid goodbye to TAPE, 'Eat Bulaga!' viewers
Malungkot at masakit para sa mga mawawalan ng kabuhayan ang mga empleyado ng TAPE at Tahanang Pinakamasaya na may mga binubuhay na pamilya at mga anak na pinag-aaral.
Hindi tamang ikatuwa ng mga nakikisimpatiya at sumusuporta kina Tito, Vic & Joey, pati na sa ibang mga co-host ng Eat Bulaga! ng TV5, ang masaklap na pangyayari.
Naging personal ang mga banat laban sa pamilya Jalosjos, ang producer ng TAPE Inc., at sa mga host ng Tahanang Pinakamasaya.
Read: Jon and Bullet Jalosjos say they have "no diabolical reason" for joining TAPE board
Pero tila nakalimutan ng Eat Bulaga! supporters, na damdamin ang pinairal, ang maliliit na manggagawa ng programa ang lubos na naapektuhan dahil sa isang iglap, nawalan sila ng mga trabaho.
Magpapatuloy ang buhay para sa mga Jalosjos na may mga negosyong pagkakakitaan, samantalang may ibang programa sa GMA-7 ang mga host ng Tahanang Pinakamasaya.
Pero madilim sa ngayon para sa mga maliliit na manggagawa ang kanilang kinabukasan dahil wala silang ibang pagkukunan ng kabuhayan.
Ang bumagsak na ratings ng Tahanang Pinakamasaya nitong mga nagdaang linggo ang isa sa mga dahilan kaya hanggang sa Marso 7, 2024 na lamang mapapanood ang replays ng programa.
Pero nagpasalamat na ang mga host, sa pangunguna nina Isko Moreno at Paolo Contis sa mga advertiser at supporters nila noong Sabado, Marso 2.
Ikinagulat ng marami ang mabilis na kaganapan dahil hanggang sa katapusan pa ng taon sa Disyember 2024 ang bisa ng kasunduan sa pagitan ng GMA Network at ng TAPE.
Pero may mga hindi maiiwasang problemang dumating kaya magpapaalam na ang noontime show—na nagkaroon ng bagong pamagat noong Enero 6, 2024—matapos mabawi ng Eat Bulaga! pioneer hosts ang kontrobersyal at pinag-agawan sa korteng titulo.
Read: Eat Bulaga! returns to TVJ: "Isa lang ang puwedeng tawaging Eat Bulaga!."
Inaasahang mga pelikula muna ang mapapanood sa timeslot na mababakante ng Tahanang Pinakamasaya habang inihahanda ng GMA-7 ang ipapalit sa programa ng TAPE.