Ang Facebook post ng dating aktor at model na si Lito Gruet tungkol sa maayos na pagbabago ng anyo ng dating sexy star na si Brandy Ayala ang nag-udyok kay Vilma Catama na humingi ng tulong para matunton niya ang kinaroroonan ng kanyang kapatid na si Josephine Manuel.
READ: Dating sexy star Brandy Ayala malaki na ang pagbabago mula nang sagipin ng grupo ni Lito Gruet
READ: Brandy Ayala, bukod sa makeover, "gumagaling na siya"
READ: Where is former actress Josephine Manuel?
Sina Brandy at Josephine ang mga sexy star na naging popular noong dekada ’80 pero malungkot ang kinahinatnan ng buhay nang mawala sa katinuan ang kanilang mga pag-iisip at naging palaboy sa kalsada.
Sinagip si Brandy ng Battle Against Ignorance Foundation (BAIF) mula sa lansangan at dinala sa Safehaven Recovery Village sa Cebu para tulungan, mabigyan ng bagong pag-asa sa buhay at maayos na kinabukasan.

(Brandy Ayala before and after her rehabilitation c/o Lito Gruet's Battle Against Ignorance Foundation at Safehaven Recovery Village in Cebu)
Gaya ni Brandy, palaboy-laboy sa kalsada si Josephine na huling nakita ni Vilma sa EDSA, Cubao, Quezon City.

(Last recent photo of Josephine Manuel shared by her sister Vilma Catama)


(Josephine Manuel during her heyday as a sexy actress)
Kumbinsido ang kapatid ni Josephine na may diperensya na rin sa pag-iisip ang dating sexy star dahil nagsasalita ito na mag-isa at mas gusto na manirahan sa kalye.
Bago naging homeless person si Josephine, namasukan siya bilang labandera at kasambahay nang magkaroon ng depresyon dahil sa pagtamlay ng kanyang showbiz career.
Umaasa si Vilma na matutulungan siya ng BAIF na pinamumunuan ni Gruet para mahanap niya si Josephine.
Personal na magkakilala sina Gruet at Josephine dahil nagkasama sila sa Paraisong Gubat, ang pelikula na pinagbidahan nila noong 1986.
“Humble, tahimik, low-key, hindi maarte o mayabang. We became friends din,” ang sagot ni Gruet nang makausap at tanungin siya ng Cabinet Files ngayong Sabado ng gabi, Marso 16, tungkol sa mga alaala niya kay Josephine.
Hindi lamang sina Brandy at Josephine ang mga sexy star na dumanas ng depresyon, namuhay at nagpakalat-kalat sa lansangan dahil ganito rin ang naging kapalaran ni Jenny Roa, ang sexy star na nakilala sa showbiz noong dekada ’90.
(
Nagsimula ang acting career ni Jenny noong 1992 at ang Tag-araw, Tag-Ulan na pinangunahan nina Dina Bonnevie at Gary Estrada ang pinamalaking break niya sa pelikula. Naging calendar girl din si Jenny ng isang sikat na inumin na panglalake.
Sampu ang bilang ng mga pelikula na nagawa ni Jenny noong aktibo pa ito sa showbiz hanggang tuluyan na naglaho sa sirkulasyon pero nakikita siya na nakatambay tuwing gabi sa footbridge sa kanto ng Edsa at Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City.
Apat na taon na ang nakalilipas nang madakip si Jenny noong Disyembre 2019 sa isang drug buy-bust at hindi niya itinanggi na nagbebenta siya ng shabu.
Minsan nang napanood ng Cabinet Files ang video ni Jenny habang nagsasalita ito na mag-isa at nagagalit sa mga tao sa paligid niya na indikasyon ng kanyang hindi normal na pag-iisip kaya doble o triple na pang-unawa ang kailangan ng mga kagaya nila nina Brandy at Josephine na nagkaroon ng miserableng pamumuhay.