“Kamukha pala siya ni Piolo Pascual,” ang reaksyon ni Melanie Marquez nang makita nito sa social media ang mga larawan ni Oliver Moeller, ang Filipino-German lawyer na pinaboran niya para maging date ng kanyang anak na si Michelle Dee nang sumali sila sa "EXpecially For You" segment ng It’s Showtime noong Sabado, Abril 6, 2024.
Sinabi ni Melanie na hindi niya masyadong napagmasdan si Oliver nang malapitan nang magkita sila sa studio ng noontime variety program ng ABS-CBN na napapanood na rin sa GMA-7.
Nang itanong ng Cabinet Files kung pabor siya na maging boyfriend ni Michelle si Oliver, sumagot ang dating Miss International na may sariling pag-iisip at desisyon ang kanyang anak.
“Hindi siya madidiktahan kaya nga ipinarinig niya na dapat secured ang boyfriend niya. E, kung papakialaman siya ng lalake? E, huwag na lang," ani Melanie na tiniyak na ang career at hindi ang pakikipagrelasyon ang priority ngayon ng kanyang anak.
Si Oliver ang nakinabang nang husto sa paglabas niya sa It’s Showtime dahil nadagdagan ang bilang ng mga sumusubaybay sa kanya sa social media.
Bukod sa pagkakahawig kay Piolo na katulad niya ay may German blood, nakuha ni Oliver ang atensyon ng netizens dahil matangkad siya, abogado, at mahusay magsalita.
Ang height ni Oliver ang isa sa mga dahilan kaya siya ang pinili ni Melanie para kay Michelle.
“Wala naman akong ibang choice dahil siya ang pinakamatangkad sa tatlo, saka lawyer siya. Hindi ko alam kung nagpalitan sila ni Michelle ng number pero nagpa-picture sila together,” ang sabi ni Melanie na abogado ang American husband na Lawyer din sa tunay na buhay ang apelyido.
Natatawa na ikinuwento ni Melanie na naririto sa Pilipinas ang kanyang asawa na si Randy Lawyer pero hindi alam ni Michelle na umuwi ng bansa ang stepfather niya.
Nang sunduin ni Michelle si Melanie sa condominium building na tinitirhan nito sa Makati City dahil magkasabay silang pupunta sa studio ng It’s Showtime, nagulat siya nang makitang may lalaking kahalikan ang kanyang ina sa lobby.
“Nagulat si Michelle. Hindi niya alam na nandito ang stepfather niya. Hindi siya bumaba ng sasakyan, nakita niya na may kahalikan ako sa lobby.
“E nakatalikod si Randy, galing siya sa doctor. Pagpasok ko sa kotse, sabi ni Michelle, ‘Is that your new boyfriend? You’re having an affair?’
“Sabi ko, you should know me by now. Tawa siya nang tawa,” ang kuwento ni Melanie tungkol sa maling akala ni Michelle dahil hindi nito namukhaan ang stepfather father niya.