May dapat abangan ang 16 million Facebook followers at halos 8 million subscribers ng Wowowin dahil sa malaki at importanteng anunsiyong gagawin ng popular game at public service host na si Willie Revillame ngayong Biyernes ng hapon, Abril 26, 2024.
Read: Willie Revillame, kumpirmadong babalik sa TV5; Wowowin, eere pagkatapos ng Eat Bulaga!?
Live na mapapanood ngayong ala-singko ng hapon sa official Facebook page at official YouTube channel ng Wowowin ang matagal nang pinakahihintay na anunsiyo ni Willie tungkol sa kanyang television game show na pansamantala niyang ipinahinga noong Abril 5, 2023.
Tiyak na ikatutuwa ng mga tapat na tagahanga at tagasuporta ni Willie ang ibabalita niya, lalupa’t mahigit isang taon nang hinihintay ang kanyang pagbabalik sa telebisyon.
Inaasahang magsasalita si Willie tungkol sa mga plano niya sa Wowowin na matagal nang napapabalitang muling mapapanood sa telebisyon, pero hindi pa siya personal na nagbibigay ng kumpirmasyon at mga impormasyon.
Nakalagay sa Facebook page ng Wowowin na “Para sa inyo ito!” ang announcement ni Willie na lalong nagpasabik sa kanyang mga tagahanga.