Noong Biyernes, Mayo 24, 2024 ang huling araw ni Ai-Ai delas Alas bilang artistic director ng isang elderly facility sa San Francisco, California.
Nagdesisyon siyang magbitiw sa tungkulin para harapin ang kanyang bagong negosyo at pagtuunan muli ng pansin ang showbiz career niya.
Read: Ai-Ai delas Alas gives a glimpse of her work in a senior care facility in the U.S.
Hindi na nagpaalam si Ai-Ai sa mga residente ng facility na kanyang pinaglingkuran sa loob ng dalawang taon dahil tiyak na malulungkot daw siya at iniiwasan din niyang mapaiyak.
“Hindi alam ng mga residente na nag-resign na ako,” pahayag ni Ai-Ai sa Cabinet Files.
“Hindi na ako nagpaalam kasi baka malungkot sila. Pero yung mga iba kong kasamahan, umiiyak. Umiiyak din, parang ako.
“Nag-surprise party sila para sa akin. Kaya nga sabi ko sa farewell speech ko, 'Sana, kapag nag-retire ako sa showbiz, sana ganito rin ka-warm ang party, lahat may magagandang sinabi.'
“Two years pa lang naman akong artistic director ng facility, pero sila yung ‘Sana huwag ka munang umalis. Sana bumalik ka.”
Read: Ai-Ai delas Alas, ibinunyag ang "secret life" niya sa Amerika
AI-AI DELAS ALAS ON LOVING OUR PARENTS
Nakatataba ng puso para kay Ai-Ai ang pagpapahalagang ipinaramdam at ibinigay sa kanya ng mga kasamahan sa elderly facility.
Baon din niya sa kanyang pag-alis ang importanteng aral na natutunan—ang mahalin at paglingkuran ang ating mga magulang.
“Kailangan nating lalong mahalin ang ating mga magulang. Na habang tumatanda sila, alagaan natin.
"Kasi nakikita ko, ang matatanda dun, hindi sila binibisita ng pamilya nila.
"Kapag binibisita naman, sobrang nade-depress sila kasi kapag nakita nila ang kanilang mga kamag-anak, gusto nila every day.
"Sana, lahat tayo, yung mga magulang natin, alagaan natin kahit papaano. Hindi kailangan every day pero huwag natin silang pabayaan," paalaala ni Ai-Ai sa lahat.
NEW RESPONSIBILITY IN THE U.S.
Chief Operating Officer ng MC Aesthetics International sa San Francisco, California, ang bagong tungkulin ni Ai-Ai.
Bumuo sila ng partnership ng Filipino-American nurse, make-up artist, at aesthetician na si Marlou Colina.

Si Marlou ang nagkumbinsi kay Ai-Ai na magtayo ito ng sariling entertainment at skin care company sa Amerika dahil naniniwala siyang taglay ng aktres ang lahat ng katangian para magtagumpay ang kanilang negosyo.
“Qualified siyang maging COO ng company. We’re very proud na lumalaki na yung brand namin na U.S. made but Filipino owned company,” sabi ni Colina tungkol sa pagsososyo nila ni Ai-Ai sa negosyo.
Kasado na ang sampung shows ni AiAi sa iba’t ibang lugar sa Amerika.
Bago mag-umpisa ang kanyang palabas, iimbitahan nila sa isang roundtable conversation ang mga manonood.
Si Colina ang magpapaliwanag tungkol sa kanilang skin care products. Si Ai-Ai naman ang magbibigay ng patotoo o testimonya tungkol sa pagkakaroon niya ng psoriasis na nakontrol dahil sa skin care products na kanyang ginagamit.
Kuwento ni Ai-Ai, “May psoriasis ako since 15 years old.
"Minsan meron ako, parati lang ako naka-long sleeves. Kapag may scene ako sa dagat, ang dami kong makeup sa katawan.
“Na-insecure ako until nagbago ako ng lifestyle at gumamit ng skin care products ni Marlou.
“Wala naman bullying na nangyari. Hindi ko naman naranasan na na-bully dahil sa skin condition ko.
"Pero napagkamalan ako noong bading dahil maiksi ang shorts ko at kulay pula ang buhok ko.
“Akala nila bading ako. Pero kapag nagsalita na ako, sasabihin nila, ‘Ay, babae pala siya.’”