Muntik nang bumangga sa poste ng Meralco ang sasakyang minamaneho ng aktor na si Anjo Yllana sa Calamba, Laguna, noong Miyerkules ng madaling-araw, Hunyo 5, 2024.
Nakatulog daw si Anjo pero mulat ang mga mata niya. Nagising lamang ang diwa niya nang gisingin siya ng kanyang kasama.
Kaya payo niya: huwag labanan ang antok habang nagmamaneho ng sasakyan.
Read: Anjo Yllana clarifies past relationship with Sheryl Cruz
Lahad ni Anjo sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, “Nagutom kasi ako. Ayoko na sanang lumabas dahil inaantok ako pero nagpunta pa rin ako sa convenience store.
“May kasama ako noon. Eksakto, sabi niya sa akin, ‘Boss... boss!’
“Natakot siya dahil pabangga na kami sa poste, pero dahil sa kanya, naihinto ko ang kotse.
"Nagulat ako. Sabi ko, eto na naman yung sobrang antok ko.
"Yung kasama ko ang nagsabi na nakabukas naman ang mga mata ko."
Ayon kay Anjo, hindi ito ang unang pagkakataong muntik na siyang maaksidente habang nagmamaneho dahil sa sobrang antok.
“Nangyari na yan dati sa akin noong 1991. May araw na nung natapos ang shooting ko.
"Nilabanan ko yung antok saka pagod dahil gusto ko nang makauwi.
“From Bulacan to Fairview, medyo malayo rin. Mabuti na lang, may kasama rin ako noon.
"Sinuntok niya ako dahil nasa gilid na kami ng kalye. Nakamulat ang mga mata ko pero nag-blackout na ako," kuwento ng aktor na nagpapasalamat sa pagliligtas sa kanya ng Panginoong Diyos.
Read: Sarah Lahbati says “this year has been the toughest of my life” after being involved in car accident
ANJO YLLANA'S REMINDER
Ang nangyari kay Anjo kamakailan ang nag-udyok sa kanya para ibahagi sa publiko ang karanasan niya at makaiwas sa sakuna.
Saad niya: “Ang lesson na gusto kong i-share, very important na sinasabi ko palagi sa mga anak ko at sa mga kaibigan ko, you do not fight sleepiness dahil hindi tulog ang mangyayari.
"Magba-blackout ka pero bukas ang mga mata mo. Hindi ka makakatulog pero magpa-pass out ka na nakabukas ang mga mata mo.
"Kaya as much as possible, huwag nang mag-drive kahit sabihin mo na kaya mong labanan ang tulog.
“Hindi ganoon, e. Kapag yung katawan mo, pagod na pagod na, magsa-shut down talaga. Pass out ang mangyayari, hindi tulog.
“So, naisip ko, hindi na talaga ako puwede lumabas sa gabi, lalo na kapag antok na antok ako.
“Which coincidentally, naipasa na yung Eddie Garcia Law, proteksiyon sa mga industry worker na nagsu-shooting at nagte-taping.
"Hindi kaya ng katawan na 24 hours na gising. Puwedeng maaksidente ka habang pauwi."