Muling nagulo ang tahimik na mundo ni Mister Supranational Philippines 2016 Alberto Rodulfo “AR” De La Serna.
Ito ay dahil sa pagkakaugnay ng kanyang pangalan kay Atty. Harry Roque, ang spokesman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Read: "Bawal Judgmental" guesting ni Harry Roque kontrobersiyal sa Twitter
Ayon sa mga naglabasang ulat, nagsilbi si AR bilang "executive assistant" ni Roque.
Nasangkot ang pangalan ni AR sa kontrobersiya dahil sa mga dokumentong nasamsam ng mga miyembro ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nang salakayin nito ang Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Si Roque ang abogado ng Whirlwind Corporation, ang real estate firm na nangungupahan sa bakuran ng Lucky South 99 compound.
Naninindigan si Roque na walang kaugnayan sa kontrobersiyal na POGO hub.

AR DELA SERNA: TRAVEL COMPANION OR EXECUTIVE ASSISTANT?
Nakasaad sa mga nakitang dokumento ang affidavit of support ni Roque kay AR sa biyahe ng kontrobersiyal na politiko sa Poland, Ukraine, at Italy noong Oktubre 9, 2023 hanggang Oktubre 18, 2023.
Nangako siyang sasagutin niya ang lahat ng mga gastos ni AR sa kanilang biyahe.
Inimbitahan si Roque sa mga nabanggit na bansa sa Europa para maging resource person tungkol sa usaping pangkapayapaan sa Ukraine.
Nakasaad sa dokumentong isinumite ni Roque: “I am financially capable and willing to cover all expenses related to De La Serna’s travel, including, but not limited to, transportation, accommodation, meals, medical expenses and any other necessary costs,”
Ipinaliwanag ni Roque na kailangan niya ng kasama sa kanyang biyahe sa Europa dahil diabetic, may coronary stent at acute spinal stenosis siya.
Kasunod ng paglitaw ng pinag-uusapang dokumento ang paglabas ng kopya ng appointment paper ni AR bilang executive assistant ni Roque sa Office of the Presidential Spokesperson.
May petsa itong Oktubre 5, 2021 at may bisa mula Enero 4, 2021 hanggang Disyembre 31, 2021.
May paliwanag din si Roque sa mga miyembro ng media tungkol sa pagkuha niya kay AR bilang executive assistant, sa gitna ng pagbibigay kahulugan ng ilang netizens tungkol sa kanilang tunay na ugnayan.
Saad niya: “Sinabi na po ng mga pulis na wala pong kriminal na nakita sila dun sa mga sulat.
"Yan po ay mga papeles ng appointment at wala po talagang kriminal na intent diyan. So, nilinaw na po ‘yan ng pulis.
“Siya [AR] po ay galing sa isang political family na De La Serna.
"Ang lolo po niya ay naging dating gobernador ng Bohol. Ang lolo niya sa side ng nanay niya ay dating vice-mayor.
"Siya po ay isang college graduate at siya po ay kinuha ko bilang isang IT.
“Sila po ang nag-handle, isang grupo po sila ng mga barkada na nag-handle ng aking social media presence noong ako po ay nasa Malacañang at kami po ay nasa eleksyon.
“Siya po ay dati kong empleyado, yun po ang alam ko po.”
OLD ISSUE
Hindi na bago ang pagkakaugnay ni Roque kay AR. Pinag-usapan na rin ito noong 2022 dahil madalas nakikita si AR na kasama ni Roque sa mga pinupuntahan nitong pulong.
Tila napaghandaan ni AR ang muling pang-iintriga sa paglilingkod nito noon kay Roque dahil burado na ang mga post sa kanyang Facebook page. Pribado na rin ang X at Instagram accounts niya.
Malinaw na binibigyan ng malisya ang isyu dahil ang mga larawan ni AR noong physically fit pa ito at nang manalo siyang Mister Supranational Philippines 2016 ang ginagamit sa mga artikulo tungkol sa kanila ni Roque.
Ibang-iba na ngayon ang kanyang itsura.

Sinubukan ng Cabinet Files na kunin ang panig ni AR pati na ang kanyang ina tungkol sa isyu, pero hindi pa sila sumasagot.