Popular search ngayon sa social media ang pangalan ng songwriter at musical director na si Danny Tan.
Mabigat ang akusasyon nina Gerald Santos at Enzo Almario, na parehong menor de edad noong diumano'y inabuso sila ni Tan.
Read: Enzo Almario, umaming biktima ng rape sa edad na 12
DANNY TAN DEACTIVATES FACEBOOK
Hindi na mababasa ni Tan ang mga masasakit na salita at mga pang-uusig ng netizens dahil wala na ang Facebook page niya.
Burado na rin ang mga entries sa kanyang Instagram account.

Hindi rin updated ang kanyang YouTube account, na may halos 50,000 subscribers.

Naglaho ang Facebook account ni Tan nang tumindi ang mga batikos sa kanya mula nang pangalanan siya ni Gerald sa senate inquiry noong Agosto 27, 2024.
Read: Gerald Santos, pinangalanan na ang humalay umano sa kanya
Isiniwalat ni Gerald sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang diumano’y pang-aabuso sa kanya ni Tan noong 15 years old siya.
Tuluyan nang hindi mahanap ang Facebook page ni Tan nang lumantad si Enzo Almario at umaming biktima rin ito ng pang-aabuso ng nabanggit na songwriter at musical director sa edad na 12 years old.
Lumitaw sa iba’t ibang social media ang mga lumang video noong miyembro pa siya ng Sugarpop, ang grupo ng mga kabataang mang-aawit na binuo ni Tan noong 2006.
Mga miyembro ng Sugarpop ang mga produkto ng child singing competition ng defunct TV network na QTV, ang Popstar Kids, na kinabibilangan nina Julie Anne San Jose, Rita Daniela, at Pocholo Bismonte.

Read: Rita Daniela and Julie Anne San Jose reminisce about their rivalry in Popstar Kids
Habang pinapanood ko ang mga video ni Enzo bilang child singer, nakaramdam ako ng lungkot.
Napakahusay niyang mang-aawit, at sinong mag-aakalang ang isang batang paslit na walang kamuwang-muwang sa mundo ay biktima pala ng hindi magandang karanasan.
Hindi pa naglalabas ng anumang pahayag si Tan tungkol sa mabibigat na paratang nina Gerald at Enzo laban sa kanya, pero kumukunsulta raw siya sa abogado bilang paghahanda sa mga reklamong nakatakda niyang harapin.