Ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor, ang dating sexy actress na si Abby Viduya, at ang hunky actor na si Aljur Abrenica ang tatlo sa mga showbiz personality na naghain ng kandidatura para sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan ngayong Lunes, Oktubre 7, 2024.
NORA AUNOR FOR PARTY-LIST REPRESENTATIVE
Isang sorpresa ang pagtakbo ni Nora bilang second nominee ng bagong tatag na People’s Champ party-list.
Sa kanyang talumpati matapos maghain ng certificate of acceptance of nomination, hinahapong sinabi ng 71-year-old National Artist, “Ninenerbiyos ako talaga.
“Hindi ko po inisip na mapunta ako dito na magsasalita sa harap ninyo. Pero sa kagustuhan ko pong makatulong po sa ating mga kababayan, makatulong po sa mga kasamahan ko sa industriya ng musika, industriya ng puting-tabing, at sa entablado.
“Kaya po ako naglakas-loob at talagang gustong makatulong para sa lahat, lalo na sa ating mga kababayan.
"Ang akin pong pasasalamat sa People’s Champ Party-list sapagkat sila po ang nakiusap sa akin na tutulong para matupad po ang aking pangarap na makatulong sa ating mga kababayan.”

Hindi ito ang unang pagkakataong tinanggap ni Nora ang nominasyon para maging kinatawan ng isang party-list.
Siya ang kinatawan ng NORAA Party-list o National Organization for Responsive Advocacies for the Arts sa halalan noong Mayo 2022. Pero hindi siya pinalad na manalo.
Read: Nora Aunor partylist, disqualified ng COMELEC?
Minsan na ring sinubukan ni Nora kumandidatong gobernador ng Camarines Sur noong 2001, pero hindi talaga nakatadhanang magsilbi siya sa pamahalaan.
Read: Nora Aunor elated by various citations in Bicol region: “Pakiramdam ko, isa akong Presidente!”
Sa kanyang muling pagbabakasakali bilang kinatawan ng People’s Champ party-list, marami ang nag-aalala para sa kalusugan ni Nora.
Nangangailangan ng tulong ang aktres dahil hinihingal siya sa pagsasalita at napansin ito nang husto nang magsadya siya sa Manila Hotel tent ngayong Lunes para magsumite ng kanyang certificate of acceptance of nomination.
ABBY VIDUYA FOR PARANAQUE COUNCILOR
Naghain din ngayong Lunes ng kandidatura si Abby Viduya-Yllana, na kilala sa dating screen name niyang Priscilla Almeda.
Kakandidato si Abby na konsehal ng unang distrito ng Parañaque City sa ilalim ng partido ng Team Bagong Parañaque.
Katatapos lamang ng paghahain ni Abby ng certificate of candidacy nang makausap siya ng Cabinet Files.
Ayon sa kanya, huling termino na bilang konsehal ng mister niyang si Jomari Yllana kaya magpapahinga muna ito.
“It is Jom’s last term so rest muna siya,” pahayag ni Abby, na handang-handa na raw sa bagong kabanata ng buhay niya.
Read: Abby Viduya weds Jomari Yllana in Las Vegas, Nevada
ALJUR ABRENICA FOR ANGELES CITY COUNCILOR
Marami naman ang nasorpresa sa desisyon ni Aljur Abrenica na subukan ang kanyang kapalaran sa mundo ng pulitika at public service.
Tulad ni Abby, naghain si Aljur ng kandidatura bilang konsehal sa Angeles City, Pampanga.
Tatakbo si Aljur sa ilalim ng partidong kinabibilangan ni dating Philippine National Police Chief Oscar Albayalde, na kakandidato na alkalde ng Angeles City.
Read: Aljur Abrenica at AJ Raval, itinangging may anak na sila