Sumailalim sa operasyon si Senator Bong Revilla dahil sa kanyang Achilles tendon na napunit noong Abril 2024.
Nangyari ang aksidente ni Bong sa set ng Birador: Alyas Pogi 4 na dapat ay official entry niya sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Hindi man natuloy ang kanyang pagsali sa MMFF this year dahil sa aksidenteng naranasan, nagpapasalamat si Bong sa mga biyayang natanggap.
Isa-isa niya naman itong ibinahagi sa media conference ng Season 3 ng Tolome: Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, ang kanyang action-drama series na muling mapapanood sa GMA-7 simula sa Disyembre 22, 2024.
“Yung blessings ko for the year 2024, I am so thankful kay God.
"Imagine, after ng mga pagsubok na dumating sa buhay ko, yung blessings na dumating sa akin now, I have a doctor, I have a lawyer, di ba?” nakangiting pahayag ni Bong.
Parehong board passers ang dalawang anak na babae nila ni Congresswoman Lani Mercado. Ang panganay na babae nilang si Inah sa pagka-abogada, habang ang bunso nilang babae na si Loudette naman ay sa pagka-doktora.
Read related stories
“'Tapos, I am a lolo again. Nadagdagan na naman ako ng apo nung isang araw lang kaya lolo na naman si Bong at walo na yung apo ko. Walo na ang apo ni Bong Revilla!" rebelasyon ni Bong.
“Sobrang blessings kay God kahit na naaksidente ako this year. Akala ko, end of my career na yun pero hindi, nandito pa rin ako. Nakagawa pa rin ako ng magandang project like this one.
“Kung nakita natin na maganda ito, gagawa pa tayo ng matitindi pa sa mga susunod na gagawin natin. Mga proyekto na mapa-telebisyon, mapa-pelikula.”
Ang gumawa ng mga action movie bago siya maging senior citizen sa Setyembre 2026 ang plano ni Bong.
Pangarap niyang makitang maging masigla muli sa mga sinehan ang mga maaaksyon na pelikulang ginagawa niya mula nang mag-umpisa ang kanyang acting career noong 1983.
Inilahad pa ni Bong na, “Gusto ko pa na gumawa ng isang action movie hangga't kaya ko pa.
“Bago ako maging senior citizen, hangga’t kaya ko pang tumalon. Hangga’t kaya ko pang mag-dive. Hangga’t kaya pa ng butu-buto natin.
"Gusto kong ibalik ang sigla ng action sa cinema.”
Ikinukumpara sa isang big-budgeted action movie ang ipinakita sa media conference na trailer ng Season 3 ng Tolome: Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis dahil sa malalaki at maaaksyong eksena na ginawa ni Bong na patikim pa lamang sa mga kaabang-abang na proyekto na ihahandog niya sa publiko.