Naging isang malaking isyu ang pagsasalita ni Sarsi Emmanuelle tungkol sa pumanaw na kapwa Softdrink Beauty na si Pepsi Paloma dahil sa kanyang mga inconsistent na pahayag.
Sa reunion interview ni Julius Babao kay Sarsi, kasama ang Softdrink Beauties na sina Myra Manibog at Coca Nicolas, sinabi ni Sarsi na insecure si Pepsi sa kanyang tagumpay bilang aktres noong dekada '80.
Base sa mga inilahad ni Sarsi, kilalang-kilala niya ang aktres na winakasan ang sariling buhay noong Mayo 31, 1985.
Bahagi ng pahayag niya, "Yung sabihin mo na alam nung ina, mas marami pa kaming alam."
Read: Sarsi Emmanuelle claims Pepsi Paloma was insecure of her success

SARSI'S STATEMENT ABOUT PEPSI IN 2020
Pero sa panayam ng Cabinet Files kay Sarsi noong May 30, 2020, tumanggi siyang magsalita tungkol kay Pepsi.
Dahilan ni Sarsi: hindi sila close at wala siyang gaanong alam sa personal na buhay ni Pepsi.
Ito ang kanyang mensahe sa amin, sa pamamagitan ng Facebook Messenger noon: “I only knew a few bout pepsi.
"Ahead cya sakin. Almost 3 [years] na sa showbiz c pepsi when i came in.
“And in our shoot just hi and goodbye lng kami. Not really close.
"Anything bout her personal life. Wala akong alam.
"We just simply knew each other. Ganun lng."
Dagdag pa ni Sarsi, “Hope u’ll give justice to your report from her death. Thank you very much.”
Nakipag-ugnayan ang Cabinet Files kay Sarsi sa Facebook Messenger noong May 30, 2020, isang araw bago gunitain ang ika-35 anibersaryo ng kamatayan ni Pepsi.
Read: Sexy star Pepsi Paloma still trending 38 years after her death
SARSI'S STATEMENT ABOUT PEPSI'S DEATH
Sa reunion interview ni Julius sa Softdrink Beauties, na in-upload sa YouTube noong Enero 23, 2025, paulit-ulit na sinabi ni Sarsi na dinala noon ang walang buhay na katawan ni Pepsi sa Capitol Medical Center sa Quezon City.
Winakasan ni Pepsi ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti noong May 31, 1985.
Base sa ulat sa mga pahayagan noon, nang matagpuan ang bangkay ni Pepsi ay dinala siya sa United Doctors Medical Center (UDMC) sa Welcome Rotonda, Quezon City, dahil ito ang pinakamalapit na ospital sa bahay na inuupahan niya noon.
Sa isyu ng nagsara nang peryodikong Times Journal noong June 1, 1985, nailathala pa ang larawan ni Sarsi na umiiyak sa tabi ng bangkay ng pumanaw na aktres, na nasa morgue ng UDMC.

Sa palitan ng mensahe sa pagitan ng Cabinet Files at ni Myra nitong Sabado, Enero 25, 2025, kinumpirma ng dating sexy star na dinala ang mga labi ni Pepsi sa United Doctors Medical Center, at hindi sa Capitol Medical Center.
Nadagdagan ng lamat ang kredibilidad ni Sarsi nang sabihin nito sa unang panayam sa kanya ni Julius noong Agosto 2024 na siya ang nagsara sa nakadilat na mga mata at nagpasok sa dila ng sumakabilang-buhay na aktres nang makita niya ito sa morgue.
Pero sa reunion interview ni Julius sa Softdrink Beauties, sinabi ni Coca na siya ang nagpasok sa dila ni Pepsi.
Pinatotohanan ito ni Myra, at hindi naman ito kinontra ni Sarsi.
Read: Sarsi Emmanuelle at Janet Bordon, ginunita ang alaala ni Pepsi Paloma

SARSI'S "LAST INTERVIEW"
Sa panayam pa rin ni Julius kay Sarsi noong Agosto 2024, nagbitaw siya ng salitang final interview na niya iyon.
Diumano, pinagbigyan lamang niya si Julius dahil 2023 pa lamang ay kinukumbinsi na siya ng broadcast journalist magpainterbyu sa Unplugged YouTube channel nito.
Ayon kay Sarsi, 2004 ang huling panayam na kanyang pinaunlakan.
“2004 pa. Puro plainly ABS-CBN [shows].
"Meron akong TV series noon sa ABS-CBN, It Might Be You. Yun ang last exposure ko.
“Wala nang interview after that. Wala nang project mula noon. None at all.
"Wala nang appearance, walang interbyu or whatsoever.
"Nagpapalaki na ako ng anak, gusto ko nang mag-focus sa family," may katiyakang lahad noon ni Sarsi.
Hindi napanindigan ni Sarsi ang kanyang deklarasyong iyon na ang huli niyang panayam.
Nagpainterbyu siyang muli sa entertainment press sa premiere ng restored version ng pelikulang White Slavery sa 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino na ginanap sa SM Aura, Taguig City, noong Agosto 14, 2018.

Ang White Slavery ay ang 1985 movie na pinagbidahan nina Sarsi, Emily Loren, at ng yumaong aktres na si Jaclyn Jose.
Mula ito sa direksiyon ng National Artist na si Lino Brocka at panulat ni National Artist Ricky Lee.

Maaaring nakalimutan na ni Sarsi ang mga nangyari dahil matagal nang panahon ang nakalipas.
Pero napakahalagang tama at tumpak ang mga salita at impormasyon na kanyang ibinabahagi para hindi mabago ang kasaysayan.
Sa pagsasalita na ginawa ni Sarsi tungkol kay Pepsi, hindi malabo ang posibilidad na muling maungkat ang kanyang nakaraan, na kontrobersiyal din, pero iwinawaksi at binubura niya.
Tiyak na pagpipistahan ng mga mahihilig sa intriga at kontrobersiya na interesadong malaman ang “common denominator” nila ng namayapang aktres.
Read: Old interview ni Guada Guarin, lumitaw dahil sa Pepsi controversy