Animnapung milyong piso (PHP60 million) ang halaga ng perang binabawi ng contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya III mula sa aktor at Quezon City First District representative na si Arjo Atayde.
Ilang minuto bago natapos ang Senate Blue Ribbon Committee inquiry tungkol sa mga anomalya sa flood control projects nitong Lunes, Setyembre 8, 2025, sinabi ni Curlee na nagpadala siya ng text messages sa lahat ng mga kongresista at Department of Public Works and Highways (DPWH) officials na nakatanggap umano ng milyun-milyong piso mula sa kanya.
Ito ay matapos siyang tanungin ni Senator Jinggoy Estrada tungkol sa PHP30 million to PHP40 million na hinihingi nilang tulong ng kanyang misis na si Sarah Discaya dahil kailangan nila ng pambayad sa abogado.
Read: Discayas name congressmen who allegedly took cuts from DPWH deals
"TESTING" CONGRESSMEN, DPWH OFFICIALS
Ayon kay Curlee, ginawa niya ito bilang "testing" sa mga kongresista at DPWH officials upang malaman kung may tutulong sa kanilang mag-asawa ngayong nahaharap sila sa imbestigasyon.
Ginawa niyang halimbawa ang halaga ng perang sinisingil umano niya kay Arjo.
Lahad ng contractor: "Actually po, yung tulong na tinext ko sila at chinat, yun po ang halaga ng dapat isauli nila sa amin, yung balanse pa po.
“For sample po, yung katulad kay Cong. Arjo Atayde po, bale PHP60 million po ang sinabi ko sa chat ko.
"Kasi PHP60 million po yung pinababalik ko sa kanyang pera po na ibinigay ko sa tatay niya.”
Ang tinutukoy ni Curlee ay ang ama ng aktor — ang negosyante at asawa ni Sylvia Sanchez na si Art Atayde.
Pero ayon sa contractor, hindi umano ibinalik sa kanya ng actor-politician ang pera.
Saad ni Curlee: “Nakiusap po [ako]. Utang po ang tema ng dating ko, pero ipinapasauli ko po yung mga kinuha sa akin.
“Lahat po, tinext ko sila lahat. Napakarami po nila… napakarami po nila.
“Bale ang ginawa ko po, lahat po itong mga gumamit sa amin, tinext ko.
"Tapos gusto ko lang malaman sa kanila na kahit isa po sa kanila ay walang tumutulong sa amin ngayon, at kami po ay kinukutya ng buong publiko.
"Kaya tinesting ko lang po sila kung maaasahan ko ba sila dahil nung panahon po na ginagamit nila kami ay patuloy po kaming bigay nang bigay sa kanila.
“So, kung mapapansin ninyo po, kahit isang reply, nagtataguan lahat. Ni hindi nila kami binalikan.”
Read: Congressmen Arjo Atayde, PM Vargas, Roman Romulo deny Discaya allegations
ARJO ATAYDE DENIES ALLEGATIONS
Sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag ay pinanindigan ni Congressman Arjo Atayde na inosente siya sa mga paratang laban sa kanya ng mga Discaya.
Maghahain din daw siya ng reklamo laban sa mga nagpapakalat ng mga kasinungalingan tungkol sa kanya.
Pahayag ng actor-politician: “I categorically deny the allegation that I benefited from any contractor.
"I have never dealt with them. Hindi totoo ang mga akusasyon na ito.
“I have never used my position for personal gain. And I never will.
"I will avail of all remedies under the law to clear my name and hold accountable those who spread these falsehoods.”
Sinagot din ni Arjo ang pagkalat ng litrato kung saan kasama niya sina Curlee at Sarah Discaya.
Bumisita lamang daw ang mag-asawa sa kanyang tanggapan ngunit wala raw silang pinag-usapang anumang proyekto.
Ayon sa kongresista: "Totoo na pumunta sa opisina namin ang mga Discaya. This was around 2022, and we met with them just like any visitor to our district office.
"It was a quick 'hi, hello' and picture-taking since it wasn't a planned meeting. It was the first and last time I met with them.
"We never talked anything about any project. And I’ve never dealt with them."
Si Arjo ay nasa kanyang ikalawang termino ngayon bilang congressman ng first district ng Quezon City.
Read: Maine Mendoza stands by husband Arjo Atayde amid Discaya allegations
DISPLAY OF LAVISH LIFESTYLE
Tila nakakundisyon na ang isip ni Curlee na sila ng kanyang asawang si Sarah ang mga biktima.
Ito ay sa kabila ng malaking pakinabang nila sa pera ng bayan — na pinatotohanan ng mga mamahaling sasakyan at marangyang pamumuhay na kanilang ipinagmalaki sa magkahiwalay na panayam sa kanila nina Julius Babao at Korina Sanchez.
Read: Sarah at Curlee Discaya, minumulto ng pagpapakita nila ng yaman
Hindi rin mababakas sa mukha ni Curlee na may sala ito sa mga akusasyon laban sa kanila.
Hindi naman kapaniwa-paniwala ang sinabi nitong naghihirap na sila dahil kinontra niya ang sarili.
Sa sariling salita ni Curlee: “Hindi naman po talaga namin kailangan mangutang sa kanila. May pera pa naman po kami pero tinesting ko po sila.”
Ito raw ang nag-udyok sa kanilang pangalanan ang lahat ng mga kongresista at opisyal ng DPWH na kasabwat nila.
Saad ni Curlee: “Sabi ko, ganito pala itong mga manggagamit na ito. Nakakasama ng loob.
“Mas mabuti pang pangalanan ko na lang sila dahil nung una, ginamit nila kami.
"Pero sa panahon na kami naman ang nangailangan ay talaga naman pong pinabayaan talaga nila kami o hindi sila malalapitan.
“At katunayan, yung iba po dun sa mga chinat ko, may mga undelivered obligations.”
Read: Mayor Vico Sotto raises doubts on Discaya couple's Senate testimony
THE CONGRESSMEN IN DISCAYA LIST
Bukod kay Cong. Arjo Atayde, ang iba pang mga kongresista na pinangalanan ni Curlee ay sina:
- Rep. Roman Romulo, Pasig City
- Rep. Marvin Rillo, Quezon City Fourth District
- Rep. Marcy Teodoro, Marikina City First District
- Rep. Jojo Ang, Uswag Ilonggo Partylist
- Rep. Nicanor "Nikki" Briones, AGAP Partylist
- Rep. Florida Roves, San Jose del Monte, Bulacan
- Rep. Eleandro Jesus Madrona, Romblon
- Rep. Benjamin Agarao Jr., Laguna Fourth District
- Rep. Florencio Noel, An-waray Partylist
- Rep. Reynante Arrogancia, Quezon
- Rep. Leody Tarriela, Occidental Mindoro
- Rep. Teodoro Haresco, Aklan
- Rep. Antonieta Eudela, Zamboanga Sibugay
- Rep. Dean Asistio, Caloocan
- Rep. Marivic Co-Pilar, Quezon City Sixth District
Karamihan sa mga mambabatas na kasama sa listahan ay naglabas na ng opisyal na pahayag upang pabulaanan ang mga alegasyon laban sa kanila.
Read: Joy Belmonte asks Arjo Atayde about this flood control project in QC