Pinatulan ng broadcaster na si Anthony “Ka Tunying” Taberna ang satire video ng pagpunta ng aktres na si Pinky Amador sa isang branch ng Ka Tunying’s Café para bumili ng "fake news."
Si Anthony at ang misis niyang si Rossel Velasco-Taberna ang may-ari ng coffee shop-bakery-restaurant.
“Bibili sana ako ng fake news,” sabi ni Pinky sa viral satire video.
Patungkol ito sa akusasyong fake news ang isiniwalat ni Ka Tunying sa programa nito sa DZRH na, diumano, may insertion din si Senator Risa Hontiveros sa national budget para sa 2025, base sa dokumentong hawak niya.
Caption pa ng aktres: “Ingat po tayong lahat sa mga papapakin natin. Maging mapanuri sa mga balita, iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.”
Read: Pinky Amador, bibili ng "fake news" sa bakehouse ni Ka Tunying
ANTHONY TABERNA REACTS
Hindi ikinatuwa ni Anthony ang pasaring sa kanya ni Pinky.
Bilang isang mamamahayag, hinding-hindi raw niya matatanggap ang mga paratang na fake news ang kanyang mga ibinabahagi sa publiko, lalo na ang budget insertion issue tungkol kay Hontiveros.
Sa kanyang Facebook post noong Huwebes, Oktubre 9, 2025, pinasaringan din ni Anthony ang aktres.
Post niya: “Ma’am Pinky Amador, wala pong fake news sa amin. Pero try nyo po ang MALUTONG na MURA pa na rice crackers.”
PINKY AMADOR'S VIRAL VIDEO IN 2020
Ipinakita rin ni Anthony ang larawan ng rice cracker na tinutukoy niya.
Ang caption ni Anthony sa kanyang Facebook post, "Pero try nyo po ang MALUTONG na MURA pa na rice crackers," maaaring isipin ng netizens na patutsada ng broadcaster sa kinasangkutang isyu noon ni Pinky.
Kaugnay naman ito ng viral video ng malutong na pagmumura ni Pinky sa mga empleyado ng isang condominium hotel sa Makati City noong Mayo 22, 2020.
Kasagsagan noon ng coronavirus pandemic kaya matinding takot para sa kanilang kalusugan ang umiral sa marami, kabilang na ang aktres.
Mapapanood sa video ang pagwawala ni Pinky dahil sa sobrang galit sa mga tauhan ng condominium hotel.
Read: Pinky Amador caught on video yelling, cursing at hotel staff
Pinagmumura ni Pinky ang kanyang mga kausap dahil hindi pa umano ibinibigay ng isang empleyado ang circular na hinihingi niyang patunay na tumatanggap ang condominium hotel management ng Overseas Filipino Workers (OFWs).
Nais ni Pinky na ipaskil ang circular sa elevator ng condominium hotel na kanyang tinitirhan.
Ito ay para malaman ng mga residente na ang gusaling kanilang tinitirhan ay isa sa mga itinalagang quarantine facility at tumatanggap ng mga OFW na galing sa iba’t ibang bansa at mino-monitor kung may mga sintomas ng COVID-19.
Anim na minuto ang haba ng viral video clip ng meltdown ni Pinky.
Matapos nito ay inihingi ng paumanhin ng aktres ang kanyang inasal sa pamamagitan ng official statement.
Bahagi ng pahayag ni Pinky: “There is no excuse for that behavior.
"Please understand, however, that my emotion was the product of countless minutes of worrying for my safety and that of my neighbors, following-up with building administration and talking to my very emotional neighbors and friends.
“The residents were not notified about the designation, not the influx of these returning Filipinos, and that was a cause for alarm not just for me but for all the residents.”
Read: Pinky Amador issues statement about cursing incident; explains her side of the story
Nag-post din si Anthony ng litrato ng mga taong nakapila sa branch ng Ka Tunying’s Café sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport.
Caption niya: “At the moment: Ka Tunying’s Terminal 2… tenchu for patronizing faith news!"
EDITOR'S NOTE
JO-ANN Q. MAGLIPON, EDITOR IN CHIEF
Sa huli, walang kumpletong sagot si Taberna sa akusasyon na fake news.
Ang hindi lang kaaya-aya rito, hindi nilimita ni Taberna ang sarili sa pagsagot sa paratang ni Amador. Sa halip ay naghanap muna ang brodcaster ng ibabato sa aktres. Naghalungkat ito sa archives.
Ang dapat na sagot ni Taberna ay tutok sa paglabas ng mga pinagkunan niya ng kinukuwestiyon na report, gaya ng mga dokumento, nasaliksik na materyales, nakumpirma sa ilang reliable sources, at iba.
Kumbaga, mga resibo, na may paliwanag din dapat sa sinasabing "insertions."
Ang "insertions" ngayon ay nangangailangan ng paglilinaw. Lumalabas kamakailang ang mga paliwanag na ito ay lehitimong bahagi ng trabaho ng isang mambabatas. Ngunit may mga partikular lamang na matatawag na abuse dito na dapat hindi mangyari.
Read: EXPLAINER: What is an amendment? What is an insertion?
Ngunit hindi ganoong paglilinaw ang ginawa ni Taberna. Nag-asta muna siyang cowboy: 'A, ganoon, a, titirahin mo ako! Titirahin din kita!'
Paano naman naliwanagan ang publiko ng ganyang aktitud?
Ibig sabihin ba nito, kung may kahit isang pagkakamali ka sa buhay mo—gaya ng public tantrum rant ni Amador noong Covid—ay mananahimik ka na lang habambuhay, kahit may nakikita kang tingin mo'y kaduda-duda?
Dahil ibabato yan sa iyo at hindi ka sasagutin nang matino?
Dahil ang pwede lang magsalita ay yung ni minsan ay walang record ng pagkakamali?
Dahil ang isa palang kilalang brodcaster ay hindi ka sasagutin nang malinis at malinaw kung may naging pagkakamali ka sa iyong nakaraan, kahit pagsisihan mo pa ito sa isang public apology?
Read: Mavy at Cassy, sinagot ang pagkukumpara kina Andres at Atasha