Isang magandang balita ang lumitaw sa kabila ng masaklap na nangyari kay Rene Baterbonia, 18.
Bibigyan ng scholarship ng Ateneo de Davao University ang kanyang anim na kapatid.
Si Fr. Karel San Juan, ang presidente ng Ateneo de Davao University, ang nagsiwalat tungkol sa tulong na ibibigay ng alma mater ni Rene, na nasawi noong Hunyo 8, 2026, sa Dipaculao, Aurora, ang lugar na pinagdausan ng team-building activity ng mga miyembro ng Blue Eagles, ang basketball team ng Ateneo de Manila University.
Kasama rin sa nasawi dahil sa pagkalunod ang Nigerian cager na si Divine Adili.
Inanunsiyo ni Fr. San Juan ang balita matapos ang banal na misang ginanap nitong Sabado, Hunyo 13, sa Christ the King Chapel ng Ateneo de Davao Senior High School, Bangkal Campus, Ateneo de Davao University.
Read:
Rene Baterbonia’s coach corrects late cager’s age
Rene Baterbonia's Dream
Ayon kay Fr. San Juan: “Isa sa mga pangarap ho ni Bobet [palayaw ni Rene] ay matutupad.
"Yung pangarap na nagdala po sa kanya sa Maynila at iwanan ang kanyang pamilya rito sa Davao.
"Ang pangarap niya na ang kanyang mga kapatid, anim niyang kapatid, ay bibigyan po ng Ateneo de Davao University ng scholarship.
"Handa rin pong tumulong ang ibang Ateneo tulad ng Xavier University sa Cagayan de Oro, pero sabi po ni Mama [Rovelyn Baterbonia, ina ni Rene], 'Dito na lang po sa Davao, mas malapit po sa Agusan.’"

Sa Barangay San Nicolas, Talacogon, Agusan del Sur, nakatira ang pamilya ni Rene. Apat hanggang limang oras ang tagal ng biyahe by bus.
Sa pagpapatuloy ni Fr. San Juan: "Ituloy po natin ang pagdarasal sa pamilya po ni Bobet para ang pangarap po ni Bobet sa kanyang pamilya ay matupad, kahit na po sobrang lungkot natin.
"Wala na po siya, pero bubuhayin po natin si Bobet sa pamamagitan ng pangarap niya para sa kanyang mga minamahal.”
Tumanggap ng masigabong palakpakan mula sa mga dumalo sa misa ang balitang inihatid ni Fr. San Juan para sa mga kapatid ni Rene.
Samantala, ayon sa ulat ng Minda News website, kabilang sa limang kahilingan ng mga pamilya nina Rene at Divine ay “proactive, unconditional support, offered freely, without conditions, without quit claims, as an act of justice, not strategy.”
Ipinabatid ito ni Atty. Israelito Torreon, isa sa mga lawyers ng dalawang players, kahapon, June 13, sa isang presscon sa Davao City.