Nadagdag ang social media personality at motivational speaker na si Rendon Labador sa listahan ng mga personalidad na pinadalhan ng Show Cause Order (SCO) ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa umano'y paglabag sa batas-trapiko.
Nauna nang ipinatawag ng LTO sina BINI member Mikha Lim, Taytay councilor Cai Cortez, at vlogger Geo Ong upang magpaliwanag tungkol sa kani-kanilang mga insidente.
Kasalukuyang nasa ibang bansa si Rendon.
Ngayong Lunes, Nobyembre 23, 2026, naglabas ng pahayag ang LTO tungkol sa isa na namang vlogger na umano'y lumabag sa mga alituntunin sa kalsada.
Gaya ng mga naunang kaso, blurred photo ang ginamit ng ahensiya sa anunsiyo at hindi pinangalanan ang sangkot.
Gayunman, nakilala pa rin ito ng publiko.
Ayon sa LTO, ang vlogger ay nakatanggap ng SCO matapos kumalat ang isang video kung saan makikitang nagmamaneho siya ng motorsiklo nang walang suot na standard protective motorcycle helmet habang nakatayo.
Related Stories:
- BINI Mikha vows to learn from mistake after driving violation
- Cai Cortez driver's license suspended over viral dancing video
- Vlogger Geo Ong apologizes after LTO flags motorcycle violations
LTO SUMMONS RENDON LABADOR FOR DECEMBER 1 HEARING
Sa pahayag ng ahensiya, inatasan ni LTO Chief Markus V. Lacanilao ang naturang vlogger na humarap sa LTO upang magpaliwanag tungkol sa mga alegasyon.
“Isa na namang vlogger ang inaatasan ng Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni LTO Chief Markus V. Lacanilao, na humarap sa tanggapan ng ahensya matapos padalhan ng Show Cause Order (SCO) kaugnay ng isang viral video kung saan makikitang nagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na standard protective motorcycle helmet at nakatayo, na maituturing na paglabag sa tamang posisyon sa pagmamaneho.
“Inaasahan ang naturang vlogger na dumalo sa isasagawang pagdinig ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Disyembre 1, 2026. Kinakailangan din nito magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, kalakip ang mga kaukulang dokumentong susuporta sa kanyang panig, bilang tugon sa mga alegasyong nakasaad sa SCO.”
Kabilang sa mga posibleng paglabag na tinukoy ng LTO ang Reckless Driving sa ilalim ng Section 48 ng Republic Act No. 4136 at paglabag sa Mandatory Use of Motorcycle Helmets Act sa ilalim ng Section 3 ng Republic Act No. 10054.
Inaatasan din ang motorista na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Bilang pansamantalang hakbang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, kailangan ding isuko ng vlogger ang kanyang driver's license sa IID. Isasailalim ito sa 90-day preventive suspension. Ipa-aalarma rin ang motorsiklong ginamit sa insidente kapag nakumpirma na ang pagkakakilanlan nito.
LTO CHIEF WARNS VLOGGERS AGAINST BAD EXAMPLES
Nagbigay rin ng paalala si Lacanilao sa mga vlogger at content creator tungkol sa responsibilidad na kaakibat ng kanilang impluwensiya sa publiko.
“Bilang isang vlogger o content creator, mahalagang isipin na maraming tao ang nakakakita at maaaring gumaya sa mga ginagawa natin. Gamitin natin ang impluwensiyang ito sa pagpapakita ng mabubuting halimbawa, lalo na pagdating sa pagsunod sa batas at pagiging responsable sa kalsada.
“Lagi ko naman pinapaalala na walang pinipili ang LTO sa pagpapatupad ng batas. Kahit sino, anuman ang pangalan o kasikatan, ay aming ipatatawag at papanagutin kapag may sapat na batayan na lumabag sa batas-trapiko,” sabi ni Lacanilao.
Muling binigyang-diin ng LTO na responsibilidad ng bawat motorista ang pagsunod sa batas-trapiko, anuman ang kanilang katayuan o kasikatan.
Hinihikayat din ng ahensiya ang mga vlogger at content creator na gamitin ang kanilang impluwensiya sa pagpapalaganap ng disiplina at kaligtasan sa kalsada.
Read: James Yap speaks up about surprise reunion with son Bimby at hospital