[Trigger Warning: Murder & Violence]
Maihahalintulad sa huling eksena ng 2000 Filipino film na Azucena ang karumal-dumal na sinapit ni Abby Choi, ang 28-year-old Chinese fashion model at social-media influencer na kinatay, pinagpuputol ang katawan, at niluto ng mga salarin.
Ang kakila-kilabot na pagpaslang kay Choi ang pinakamainit na balita ngayon sa Hong Kong. Kinober ito ng international media outlets kaya naging malaking balita rin sa buong mundo.
Natagpuan ang mga putol na binti ni Choi sa loob ng refrigerator sa apartment na nirentahan ng kanyang father-in-law, na isang pulis, ilang linggo bago nangyari ang malagim na insidente.
Ang dating asawa ni Choi na si Alex Kwong at ang mga kamag-anak nito ang mga pinaghihinalaang nagsagawa ng krimen.
Natuklasan ng Hong Kong Police noong Biyernes, February 24, 2023, ang mga bahagi ng katawan ni Choi, pati na ang kanyang ID card, credit cards, at ibang mga gamit.
Huli siyang nakitang buhay noong Martes, February 21, 2023.
Nakita ng Hong Kong Police sa nirentahang bahay ng biyenan ni Choi ang mga meat grinder, chainsaws, gloves, masks, at ang pinaka-nakakakilabot: ang kaldero ng sopas na naglalaman ng human tissues.
Patuloy ang paghahanap sa ulo, torso, at mga kamay ng biktima.
Nasa kustodiya na ng Hong Kong Police ang ex-husband ni Choi, na nadakip noong Sabado habang nagtatangkang tumakas.
Bukod kay Kwong, nakapiit na rin sa kulungan ang kanyang nakatatandang kapatid at mga magulang na iniimbestigahan. Pinaniniwalaang may kinalaman sila sa pagpatay sa model at influencer na naging cover girl ng February edition ng fashion magazine na L’Officiel Monaco.
Sa report ng South China Morning Post, sinasabing ang biyenan ni Choi ang utak ng planadong pagpatay sa kanya. Nag-ugat umano ito sa pera dahil nagkaroon ng pagtatalo ang magkabilang-panig sa ari-ariang nagkakahalaga ng $12 million na balak ibenta ng biktima.
Maikukumpara ang pagkatay na ginawa kay Choi sa kuwento ng Azucena, ang pelikulang pinagbidahan nina Glydel Mercado, Ricky Davao, Alessandra de Rossi, at Dante Rivero noong 2000, mula sa direksyon ni Carlos Siguion-Reyna.

Sa huling eksena ng Azucena, pinatay ng karakter ni Glydel ang abusadong asawa nitong ginampanan ni Ricky. Kinatay ng karakter ni Glydel ang katawan ni Ricky, niluto, at ipinakain sa kanyang alagang aso.